Ni Bert de Guzman
PAANO malilimutan ng mga Pilipino ang malagim na trahedya tatlong taon ang nakalilipas sa Mamasapano (Enero 25,2015), Maguindanao na ikinamatay ng mga kabataang miyembro ng Philippine National Police- Special Action Force (PNP-SAF) na naatasang humuli sa teroristang si Marwan? Parang mga manok na pinagbabaril ang 44 SAF commando ng mga tauhan ng MILF, BIIF at armadong grupo nang walang kalaban-laban gayong kaylapit lang ng Armed Forces of the Philippines sa lugar na puwedeng pagdalhan ng reeinforcement o tulong upang makaligtas ang mga nasukol na SAF 44?
Paano malilimutan ng taumbayan ang palpak na Oplan Exodus na ang pinamahala raw ay isang suspendidong hepe ng PNP na si Alan Purisima? Bakit isinama siya sa operasyon gayong siya’y suspendido ng Office of the Ombudsman? Hanggang ngayon ay malabo ang mga kasagutan dito.
Paano malilimutan ng mga mamamayan ang pag-isnab o pag-iwas ni ex-Pres. Noynoy Aquino na salubungin ang pagdating ng mga labi ng SAF 44 sa Villamor Air Base? Sa halip, pinaunlakan niya ang pagdalo sa inagurasyon ng isang car assembly sa Sta. Rosa, Laguna habang naghihimutok ang mga biyuda, anak, at magulang ng mga biktima.
Marahil ay hindi malilimutan ng mga Pinoy ang Mamasapano tragedy. Marahil ay malilimutan lang ito at baka maka-move on ang mga biyuda, anak at magulang ng SAF 44 kapag nagkaroon ng hustisya at mapanagot at maipakulong ang nasa likod ng palpak na operasyon.
Sa pagbisita ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa India, ang Pilipinas ay nakatanggap ng $1,25 bilyong halaga ng investment pledges. Inaasahang makalilikha ang pamumuhunang ito ng may 10,000 trabaho. Ayon kay presidential spokesman Harry Roque, nakipagpulong ang Indian companies sa mga opisyal ng Dept. of Trade and Industry sa sidelines ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-India Commemorative Summit para talakayin ang mga planong pamumuhunan sa Pilipinas.
Hindi lang pala ang China ang binigyan ng permiso ng Dept. of Foreign Affairs (DFA) na magsagawa ng pananaliksik sa Benham Rise (Philippine Rise), ayon kay Roque. Sinabi ni Roque noong Huwebes na bukod sa China, pinayagan din ng DFA na mag-research ang US, Japan at South Korea. Nilinaw niya na hindi pinapaboran ng Duterte administration ang China sapagkat inaprubahan din ang request applications ng US, Japan at South Korea.
Hinirang ni PRRD ang 19 na miyembro ng isang consultative committee na magre-review sa 1987 Constitution. Si ex-Supreme Court Chief Justice Reynato Puno ang itinalagang chairman o tagapangulo ng komite. Ang iba pang mga miyembro ay sina ex-Senate Pres. Aquilino Pimentel Jr., ex-SC justices Eddi Mapag Alih, Antonio Nachura, at Julio Teehankee, Victor dela Serna, San Beda Graduate School of Law Dean Ranhillo Aquino, Virgilio Bautista, Rodoldfo Dia Robles, Bienvenido Reyes, Edmundo Soriano Tayao, Ali Pangalian Balindong, Laurence Wacnang, Roan Libarios, Reuben Rabe Canoy, Arthur Aguilar, Susan Ubalde-Ordinario, Antonio Binas Arellano, at Randolph Climaco Pascasio.
Umaasa ang sambayanang Pilipino na sana ay maging matalino, mahusay, tapat at para sa kabutihan, kapakanan at kagalingan ng bayan ang ilalatag na mga pagbabago at susog sa 1987 Constitution at hindi para sa sariling interes ng mga ganid na pulitiko at political dynasty.