Ni Antonio L. Colina IV

DAVAO CITY – Balak ni Mayor Sara Duterte na doblehin ang bilang ng mga pulis sa lungsod mula 1,700 dahil lumalaki ang populasyon nito.

Sinabi ni Duterte na hihingi siya ng 2,000 hanggang 2,500 pang pulis para sa Davao City Police Office.

Aniya, mahirap protektahan ang lungsod sa terorismo at kriminalidad kung kulang ang kapulisan. Nasa 1.6 milyon ang populasyon ng Davao, batay sa 2015 census.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“The city is so huge because there are a lot of people going inside and the security forces are not enough. We have a population which is as big as other big cities, except that they are smaller in terms of land area and they have more police forces,” sabi ni Duterte.

May mga taong hindi sang-ayon sa mga polisiya ng Pangulong Duterte na maaaring maghasik ng kaguluhan upang mapahiya ang Presidente, ani Duterte.

Naging mayor ng Davao ang Pangulo ng 22 taon.

Sinabi Duterte na patuloy na magtatalaga siya ng police auxiliaries upang tulungan ang mga pulis na magpatrulya.

“We want to keep Davao City’s pride of being the safest city in the country for both people and businesses,” dagdag niya.

Noong Setyembre 2, 2016, 15 katao ang namatay at 69 ang nasugatan sa pagsabog ng isang bomba sa Roxas Night Market.

Ibinibintang ang pambobomba sa Maute Group, ang pangkat na lumusob sa Marawi City noong nakaraang taon.

Dahil sa pag-atake sa Marawi, idineklara ni Pangulong Duterte ang martial law sa buong Mindanao at ang pagsuspinde ng writ ng habeas corpus.

Nitong Disyembre 13, inapruba ng Kongreso ang extension ng martial law sa Mindanao hanggang Disyembre 31.

Inamin ni Mayor Duterte na nakaapekto ang martial law sa pagtutulak sa Davao bilang isang tourism at investment destination, at puspusan ang lungsod sa paghikayat sa mga investor na ligtas sila sa lungsod.

“Our tourism and investment offices are working on a brand campaign to highlight Davao City as a peaceful destination,” aniya.