Ni PNA
INIHAYAG ni Department of Tourism (DoT) Secretary Wanda Tulfo-Teo na ang target ng bansa na makahimok ng 7.5 milyong turistang dayuhan ngayong 2018 ay isang paraan para mas mapaaga ang pagtatatag ng MICE (meetings, incentives, conventions and exhibitions) Roadmap 2030.
Sa opisyal na paglulunsad ng roadmap nitong Huwebes, sinabi ni Teo na ang tagumpay ng bansa sa pangangasiwa sa 2015 Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) at sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summits noong nakaraang taon “proved that we are on the right track” sa pagsusulong sa Pilipinas bilang nangungunang MICE destination.
Sa pamamagitan nito, hinimok ni Teo ang mga stakeholder at mga katuwang sa industriya ng turismo “to strike while the iron is hot” at maging bahagi sa pag-abot ng target ng industriya ng turismo.
Dati ay pangwalo ang Pilipinas sa buong bansa at kauna-unahan sa Asya na napabilang sa taunang listahan ng world convention destinations noong 1982.
Noong 2016, nasa ika-48 puwesto ang Philippine MICE sa 116 na bansa sa buong mundo, at ika-14 naman sa 35 bansa sa Asya Pasipiko at Gitnang Silangan, kung pagbabatayan ang dami ng mga pagpupulong na idinaos sa bansa.
Ayon kay Teo, marami ang kailangang gawin at mapagtagumpayan upang makamit ang layunin ng kagawaran sa taong 2030, sa pagnanais na mapabilang ang Pilipinas sa top ten sa International Congress and Convention Association rank sa Asya Pasipiko at Gitnang Silangan.
Kabilang sa mga dapat aksiyunan ay ang pagpapahusay ng imprastruktura at logistics, upang makatulong sa pagpapagaan ng transaksyon sa negosyo sa bansa, at higit pang mapahusay ang pagtutulungan sa pagitan ng publiko at ng pribadong sektor.
“I call for the continuous support and commitment of our partners in the industry and our stakeholders in the development of this roadmap as we guide the Philippines to be the leading MICE destination in Asia Pacific and the Middle East,” aniya.
Kabilang sa mga puntirya ng roadmap na mapataas ang kita ng MICE mula sa P4.6 bilyon noong 2016 sa P24.8 bilyon sa taong 2030.