Ni Dave M. Veridiano, E.E.
BILANG isang police reporter na gala at masasabing nagkatahig sa pagkuha ng balita sa mga bangketa, kalsada, presinto at kampo, dapat ay kasama ako sa mga pumapalakpak sa ipinagmamalaking estadistika ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP), na dahil sa kanilang malawakang giyera laban sa ilegal na droga sa buong bansa, ay bumaba ang kriminalidad sa Kalakhang Maynila.
Hindi ko magawang pumalakpak. Paulit-ulit akong napapailing…Kailangan pa ba kasing gamitin ang mga natatanging accomplishment ng mga pulis na matitino at may respeto sa buhay para lamang PUMOGI ang kampaniya ng administrasyong ito laban sa droga?
“This is the effect of the war on drugs,” ang sabi ng magiting na pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Director Oscar Albayalde. Pinatutungkulan niya rito ang malawakang operasyong “Oplan Tokhang” at “Oplan Double Barrel Reloaded” na ayon na rin sa PNP ay nagresulta sa pagkakapatay ng 4,000 drug addict, pusher at protektor sa buong bansa, simula ng ilunsad ito ng Duterte Administrasyon noong 2016.
Napakagandang mga numero -- 17.96 porsiyentong pagbaba sa CRIME VOLUME sa Metro Manila sa mga krimeng kung tawagin ng mga pulis ay “focused crimes” gaya ng murder, homicide at physical injuries, at may kabuuang pagbaba na 13.87 porsiyento sa CRIMES AGAINST PERSONS sa loob lamang ng isang taon.
Gusto ninyo ng mas detalyado pa? Narito:
May 23.38 porsiyentong pagbaba sa kasong MURDER kumpara noong 2016 – mula sa 1,976 ay naging 1,514. Ang mga kasong HOMICIDE naman ay bumaba rin ng 26.69 porsiyento, mula 577 ay naging 423. Ganito rin ang resulta sa mga kasong PHYSICAL INJURIES na bumaba ng 7.62 porsiyento, mula 4,830 ay naging 4,462; ang kaso ng RAPE ay bumaba sa 17.49 porsiyento, mula 1,098 ay naging 906; at ang ROBBERY naman ay bumaba rin ng 16.04 porsiyento, mula 3,603 ay naging 3,025.
Nang mabasa ko ang estadistikang ito, agad kong naitanong sa aking sarili: “Mga adik lang ba ang kriminal sa paligid natin? Ang mga notorious na kriminal ba sa bansa ay mga adik at pusher din ba? Di ba ang mga karamihan sa mga ito bigtime ang bisyo – babae, alak at sugal. Parang hindi yata droga na gaya ng nais na ipakita ng inanunsiyong ito ng NCRPO?”
Ito yata ang mas totoo -- ang mga adik na nagiging kriminal, sila ang biktima ng mga bigtime na drug lord. Dahil sa pagkalulong sa droga, naghahanap sila ng paraan upang may ipantustos sa bisyo, ang resulta – nagiging mga kriminal sila dahil sa bisyong droga.
Kaya nga ang dapat na patayin sa problema sa droga sa bansa, ay yung mga UGAT. Hindi dapat talbusan lamang ng mga dahon, dahil mas lalo itong yayabong at magsasanga, at hindi malulutas ang problema. Patayin mo ang UGAT at siguradong mababawasan kundi man tuluyang maaalis na ang problema…Maraming mga pulis na desididong trabahuhin ito, nguni’t ang pino-problema nila ay ang sinsiredad naman ng mga mas nakatataas sa kanila na sobrang mamulitika. Sila ang mga TONGPATS sa sindikato ng droga!
Marahil sa mga hindi laman ng kalye at sa mga hindi nakahahalubilo ang mga taong paroo’t parito sa mga kalsada at bangketa ay IMPRESSIVE ang report na ito ng NCRPO…Ngunit sa mga mamamayang tuwirang nakararanas at nararamdaman ang epekto ng mga krimen sa kanilang pang-araw-araw na buhay – mga sumasakay ng MRT, UV Express, jeep, taxi, vendor, kargador at mga ordinaryong empleyado – malamang ito ang sagot nila: “IKUWENTO NINYO YAN SA PAGONG!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]