Ni NITZ MIRALLES

Marian, Dingdong at Zia
Marian, Dingdong at Zia
NGAYONG January magre-renew ng kontrata sa GMA Network si Marian Rivera, hindi pa lang niya tiyak ang eksaktong petsa. Pero bago ipalabas ang final episode ng Super Ma’am sa January 26, baka nakapag-renew na siya ng kanyang kontrata.

Wala pang maibalitang new show si Marian dahil pagkatapos ng Super Ma’am, magpapahinga muna siya at siya naman ang mag-aalaga kay Zia na hands-on na inaasikaso ng kanyang asawang si Dingdong Dantes ngayon.

“Six months ding tumakbo ang Super Ma’m, dapat three months lang kami, pero na-extend kami. Matagal ko ring nakasama ang cast, siguradong ngangalngal ako sa last taping day namin sa Jan. 24 at sa cast party namin. Mami-miss ko ang lahat, lalo na si Direk LA (Madridejos). Ang Amaya, inabot ng nine months, kaya grabe ang ngalngal ko nang matapos ang taping at hanggang nasa bahay na ako, ngumangangalngal pa rin ako,” kuwento ni Marian.

Bea Binene, pinadadalhan ng mensahe matapos ang hiwalayang Bea-Dominic

Nagustuhan niya ang Super Ma’am dahil pambata, at maraming lessons na itinuturo sa viewers, lalo na sa mga bata -- kaya nga hinahayaan niyang mapanood ito ni Zia. Nagugustuhan din niya ang fight scenes na kung kaya rin lang niya, siya mismo ang gumagawa na ikinababahala naman ni Dingdong.

Sa episode na napapanood, sina Gil Cuerva, Patricia Tumulak at Boobay ang guests sa Super Ma’am. Sa Jan. 15, lalabas si Barbie Forteza na maggi-guest bilang sirena. Sa finale week, si Medusa ang makakalaban ni Super Ma’am, pero wala pang aktres na napipili para gumanap bilang babaeng ahas ang mga buhok.

Samantala, usap-usapan pa rin ang video message na ginawa ni Dingdong bilang regalo kay Marian sa third anniversary nila as a couple.

“Ang haba nga ng hair ko dahil sa video na ‘yun, naapakan sa sobrang haba. Nang sinabi ni Dingdong na may video siya, nangingilid na ang luha niya. Nang mapanood ko, humihikbi ako at nang lumabas si Zia, doon na ako bumigay, humagulhol na ako.

“Bago niya i-upload sa FB ‘yun, ipinapanood muna niya sa family namin na parang may film showing. Nagpaalam din siya sa akin na ia-upload niya ang video. Gusto raw niya i-share kung gaano niya ako kamahal. Na-touch ako. Sabi pa niya, sana lagi kong panonoorin ang video para malaman ko kung gaano niya ako kamahal,” pagtatapos ni Marian.