Ni Bella Gamotea
Isasailalim sa inquest proceedings ang limang hinihinalang miyembro ng isang robbery-hold-up group na sangkot sa serye ng holdapan sa ilang lungsod sa Metro Manila, matapos silang maaresto sa Oplan Sita sa Taguig City nitong Biyernes.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. ang mga naarestong suspek na sina Nicanor Canlas y Morales, 53, driver; Nelson Villegas y Gabutas, 49, driver, kapwa ng Western Bicutan, Taguig City; Reynario Acdog y Laurente, 46, driver, ng Bgy. Moonwalk, Parañaque City; Jefferson Musa y Agtinaw, 22; at Willar Baula y Tanilon, 31, kapwa ng Fort Bonifacio, Taguig City.
Sa ulat ng SPD, nadakip ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-Station 7 ng Taguig City Police ang mga suspek sa Block 8, Sitio 3, Fort Bonifacio ng nasabing lungsod, bandang 7:00 ng umaga.
Nagpapatrulya at nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga pulis sa lugar nang matiyempuhan ang isang grupo ng lalaki na ilegal na nagsusugal ng cara y cruz at napansing dayo lamang ang mga ito dahilan upang sila ay sitahin at arestuhin.
Nang kapkapan ang mga suspek, narekober kay Musa ang isang .38 revolver na kargado ng apat na bala; isang cal. 45 pistol armscor, na may serial No.825013, naman ang nabawi sa suspek na si Baula at ilang identification cards (ID) na pag-aari ng kanilang mga biktima.
Agad namang tinawagan ng mga pulis ang may-ari ng isa sa mga ID na si Rachelle Macainan, at nabatid na hinoldap siya ng anim na suspek sa Chino Roces, Makati City noong Nobyembre 2017.
Sa pamamagitan ng mga ipinadalang larawan ng mga suspek kay Macainan, positibo nitong kinilala ang dalawa sa anim na suspek, sina Musa at Villegas, na humoldap sa kanya.
Maging ang may-ari ng isa pang ID na si Madzni Udah ay kinumpirmang naholdap siya sa Mandaluyong City noong Oktubre 2017.
Patuloy ang koordinasyon ng Taguig Police sa Mandaluyong Police at iba pang himpilan ng pulisya na sakop ng SPD para sa posibleng mga kasong kinasangkutan ng mga suspek.
Samantala, nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearm and Ammunition Law ang limang suspek na pawang nakakulong sa Taguig Police.