Ni Clemen Bautista
SA kabila ng mga babala at halos paulit-ulit na pakiusap ng Department of Health (DoH) at ng Philippine National Police (PNP) sa inilunsad na “Oplan Iwas Paputok” at ipinatupad na Executive Order No. 28 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi pa rin nagpaawat ang marami nating kababayan na salubungin nang maingay na putukan ang Bagong Taon.
At palibhasa’y isa nang tradisyon, kahit maputulan ng mga daliri ang mga kamay; malapnos ang mukha; at masugatan ang iba pang bahagi ng katawan, nagpaputok pa rin ang mga pasaway.
Sa ulat ng DoH, mula Disyembre 21-Enero 3, 2018 ay umabot na sa 451 ang mga naputukan. Ito ay mas mababa kung ihahambing sa nakalipas na pagsalubong ng Bagong Taon. Marami sa mga nasakntan, ayon pa sa DoH, ay dahil sa mga sinindihang paputok na hindi sumabog. Sa Metro Manila ang may pinakamaraming biktima. Umabot sa 219 ang nasaktan sa paputok. Sa Maynila ay may 103 biktima. Marami sa mga nasaktan ay dahil sa mga illegal na paputok at kasama na rito ang “piccolo” na umabot sa 136 ang biktima.
Sa Rizal, ayon kay G. Dong Malonzo, ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), umabot sa 101 katao ang naputukan. May 35 nasaktan sa Antipolo City; 23 sa Binangonan; 6 sa Angono; 11 sa Cainta; 5 sa Morong; 14 sa Rodriguez (Montalban); 2 sa Tanay; 1 sa Pililla; at 4 sa Taytay. Ang mga biktima ay dinala at ginamot sa Rizal Provincial Hospital System (RPHS) sa nasabing mga bayan. Walang naitalang biktima ng ligaw na bala.
Marami sa ating mga kababayan na nagsabing malaking tulong ang Executive Order No. 28 ni Pangulong Duterte. Sinunod ang patakaran at kontrol sa paggamit ng mga paputok at ng iba pang uri ng pyrotechnic. Natakot din sa parusa ang dating malalakas ang loob na magbenta ng mga paputok na walang pakialam sa mga madidisgrasya at masasaktan. Ang nasa utak ay ang kumita ng limpak na salapi sa pagbebenta ng mga paputok.
Sa pagsalubong ng Bagong Taon, napansin na halos tumagal lamang ng kalahating oras ang putukan. Nawala na ang tila war zone na kalsada dahil sa putukan. Hindi tulad noon na madaling araw na ay may naririnig pa ring paputok. Hindi na nag-amoy pulbura ang paligid at ang simoy ng hangin dahil sa mga paputok. Hindi na rin mausok ang papawirin na nagiging dahilan ng pagkansela ng paglipad ng mga eroplano. Bukod sa mga nabanggit, matapos ang putukan ng pagsalubong ng Bagong Taon, ang loob ng dalawang butas ng ilong ng iba nating kababayan ay hindi na parang tambutso ng jeep. Maitim ang dumidikit na dumi sa daliri kapag nangulangot o naglinis ng butas ng ilong.
May mga nagpasalamat naman sa ginawa ng PNP na nagtakda ng fireworks zone. Nakatulong na maiwasan ang disgrasya at aksidente. Mungkahi nama ng iba, sa susunod na taon, paigtingin ang pagpapatupad sa Executive Order No. 28. Malaking tulong ito sa pagdisiplina sa mga pasaway at matitigas ang mukha kapag nalalapit o sumapit na ang Bagong Taon.