Nina ROMMEL TABBAD, ANNA LIZA ALAVAREN, at SAMUEL MEDENILLA

Kasunod ng plano ng transport group na humirit ng P12 minimum na pasahe sa jeepney, inihayag naman kahapon ng transport network vehicle service (TNVS) na Grab Philippines na hihilingin nito ang anim hanggang 10 porsiyentong taas-pasahe, o karagdagang P10-P13 singil, dahil sa pagpapatupad ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN), na inaasahan nang magpapataas sa presyo ng produktong petrolyo.

Sinabi ni Grab Philippines head Brian Cu na maghahain sila ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa susunod na linggo.

“We are looking at a fare increase anywhere between six to 10 percent of current rates. What we will do it to see how we can adjust the fare change in gradual basis in accordance with increase of fuel prices,” sabi ni Cu.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

KAWAWANG GRAB DRIVERS

Katwiran niya, tiyak na makaaapekto sa araw-araw na gastusin at arawang kita ng kanilang mga partner operators ang ipapataw na excise tax sa gasolina.

Gumagastos ng P800-1,000 kada araw sa gasolina ang isang Grab driver, habang P600-P800 naman sa diesel.

Sakaling aprubahan ng LTFRB ang kanilang petisyon, sinabi ni Cu na magiging epektibo lang ang taas-singil kapag tumaas na ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Dahil sa dagdag-buwis, inaasahang madadagdagan ng P1 kada litro ang liquefied petroleum gas (LPG), P2.50 sa kada litro ng diesel, at P2.65 sa kada litro ng gasolina.

HINDI AGAD-AGAD

Kaugnay naman ng hirit na P12 taas-pasahe, nilinaw ni Atty. Aileen Lizada, board member at tagapagsalita ng LTFRB, na hindi kaagad maipatutupad ang P4 dagdag na planong igiit ng Pasang Masda.

“Any fare hike for that matter—whether jeep, bus, taxi—goes through a process. Hindi po ‘yan agad-agad nagkakaroon ng fare hike,” ani Lozada.

Aniya, aabot sa 3.2 milyong pasahero ang maaapektuhan kaya kailangan nila itong balansehin.

DAGDAG-SAHOD

Samantala, sinabi kahapon ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na plano nitong maghain sa susunod na linggo ng petisyon para sa nationwide across-the-board wage hike kaugnay pa rin ng TRAIN.

“We will indeed file a petition for wage increase if there are extraordinary increase in prices of basic commodities such as rice, fish, vegetables and if there is excessive surge in cost of services such as transport fare, tuition fees, electricity and water rates,” saad sa pahayag ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP.