Philadelphia 76ers' Joel Embiid, left, dunks the ball against San Antonio Spurs' Davis Bertans during the second half of an NBA basketball game, Wednesday, Jan. 3, 2018, in Philadelphia. Philadelphia won 112-106. (AP Photo/Matt Slocum)
Philadelphia 76ers' Joel Embiid, left, dunks the ball against San Antonio Spurs' Davis Bertans during the second half of an NBA basketball game, Wednesday, Jan. 3, 2018, in Philadelphia. Philadelphia won 112-106. (AP Photo/Matt Slocum)

‘Big Four’ ng Warriors, syumapol sa Mavericks.

DALLAS (AP) — Matikas na nakihamok ang ‘Big Four’ ng Golden State Warriors laban sa mainit at palabang Dallas Mavericks sa kabuuan ng laro na naisalba ng defending champion mula sa krusyal na three-pointer ng nagbabalik na si Stephen Curry, 125-122, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Tumapos si Curry, sumabak sa ikalawang laro matapos ang mahigit isang buwan pahinga dulot ng injury sa paa, na may 32 sa pinagsamang 100 puntos ng ‘Big Four’ para putulin ang four-game winning streak ng Mavericks.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Kumubra sina Kevin Durant at Klay Thompson ng tig-25 puntos, habang kumana si Draymond Green ng 18 puntos at 10 rebounds.

Nanguna si Wesley Matthews sa Mavericks sa natipang 22 puntos, tampok ang pitong three-pointer, habang napantayan ni Dwight Powell ang career high 21 puntos.

Naghabol ang Dallas at nabura ang 12 puntos na bentahe ng Warriors sa huling 4:32 ng laro. Naisalpak ni Harrison Barnes ang jumper para maitabla ang iskor sa 120-all may 39 segundo ang nalalabi.

Nagpalitan ng puntos sinaThompson at Barnes sa sumunod na play bago nakagawa ng play ang Golden State may 12 segundo sa laro. Matapos kunin ang bola sa inbounds pass, dumiskarte si Curry at nagawang makalusot sa depensa ng karibal para sa game-winning three-pointer.

Hindi na umabot sa rim ang inihagis na bola ni Dennis Smith Jr. sa buzzer.

Nahila ng Golden State ang road winning streak sa walo. Hindi pa natatalo ang Warriors sa labas ng Oracle Arena mula nitong Thanksgiving.

CELTICS 102, CAVS 88

Sa Boston, inagaw ni Terry Rozier ang atensyon mula kina LeBron James, Kyrie Irving at Isaiah Thomass sa ikalawang rematch ng Eastern Conference finals.

Kumubra si Rozier ng 20 puntos sa 20 minutong paglalaro mula sa bench para sandigan ang Celtics sa impresibong paghihiganti sa dikitang kabiguang natamo sa unang paghaharap ngayong season.

Kumana si Rozier ng walong puntos sa first quarter para maitarak ang 11 puntos na bentahe at muling tumipa ng walong puntos sa kalagitnaan ng final period para palobuhin ang abante sa 21 puntos.

Nagsalansan sina Marcus Smart at Jayson Tatum ng tig-15 puntos para sa Boston, habang kumana sina Irving at Al Horford ng tig-11 puntos para sa ikaapat na sunod na panalo ng Celtics.

Nalimitahan si James sa 19 puntos, pitong rebounds at anim na assists, habang umiskor si Tristan Thompson ng 10 puntos at 10 rebounds sa Cleveland, nabigo sa ikaapat na pagkakataon sa limang laro.

Ito ang unang pagtatagpo ng dalawang koponan matapos ang season opener kung saan natamo ni Boston free-agent Gordon Hayward ang pinakamasaklap na injury sa career. Hindi na nakalaro si Hayward sa kabuuan ng season, ngunit matatag ang kampanya ng Boston sa Eastern Conference.

HEAT 111, PISTONS 104

Sa Miami, nailista ni Kelly Olynyk ang game-high 25 puntos at 13 rebounds para sandigan ang Heat sa pagdiskaril sa Detroit Pistons.

Nag-ambag si Goran Dragic ng 24 puntos at 13 assists.

Nanguna si Tobias Harris sa Detroit na may 19 puntos, habang humugot si Reggie Bullock ng 17 puntos at tumipa sina Avery Bradley at Boban Marjanovic ng tig-15 puntos.

Sa iba pang laro, dinurog ng Milwaukee Bucks ang Indiana Pacers, 122-101; dinaig ng Philadelphia 76ers ang San Antonio Spurs, 112-106; pinasabog ng Houston Rockets ang Orlando Magic, 116-98; pinadapa ng Washington Wizards ang New York Knicks, 121-103; nasilo ng Brooklyn Nets ang Minnesota Timberwolves, 98-97, pinaluhod ng Toronto Raptors ang Chicago Bulls, 124-118.