NEW YORK (AP) – Susubukin ng matinding lamig ang tibay ng mga magsasaya na dadagsa sa Times Square para sa New Year’s Eve – na posibleng pinakalamig na New Year’s Eve ball drop simula 1917.
Pinapayuhan ng New York City health officials ang mga tao na magsuot ng patung-patong na damit, at iwasang uminom ng alak, na maaaring magpapabilis sa hypothermia, sa Linggo ng gabi. Inaasahang babagsak ang temperaura sa 11 degrees na may wind chill na zero.
Ang nagyeyelong panahon ay nagdulot ng pagkansela o paglipat ng ilang okasyon sa Northeast. Ang Lobster Dip sa Old Orchard Beach sa Maine ay ini-reschedule sa unang pagkakataon sa loob ng 30 taon. At sa Philadelphia, naghihintay ang mga opisyal kung itutuloy ang pagdaos ng taunang Mummers Day Parade.