Sugatan ang tatlong katao, kabilang ang isang hindi pa nakikilalang lalaki, matapos salpukin ng sports utility vehicle (SUV) ang isang kotse sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Agad isinugod sa ospital sina JT Medilo, 22, duguan ang bibig; at Princess Fabroa, 14, duguan ang paa at kapwa sakay sa kotse, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng lalaking pedestrian na nagtamo ng mga sugat sa katawan nang mabangga ng SUV.

Sa inisyal na ulat ng Pasay City Traffic Department, naganap ang insidente sa Bukaneg Street, pasado 1:00 ng madaling araw.

Galing sa parking ang puting Chevrolet Trailblazer (RCB 72) nang biglang tumawid sa center island at bumangga sa puno.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sumalubong ang SUV sa itim na Toyota Vios (POC 322) at sinalpok ito na naging sanhi ng pagkakasugat nina Medilo at Fabroa.

Binangga pa ng SUV ang mga harang na halaman at sumampa sa gutter.

Tiyempo namang tumatawid ang lalaki nang mangyari ang insidente na naging sanhi ng kanyang pagkakasugat.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng SUV at posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting to physical injuries and damage to properties. - Bella Gamotea