Suspendido ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP), o number coding scheme, ngayong Lunes, Disyembre 25 at sa Disyembre 26 at Enero 1, kaugnay ng selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

“In view of the holidays, the number coding scheme is lifted on December 25 and 26, 2017 and January 1, 2018, including Makati and Las Piñas,” saad sa advisory ng MMDA.

Alinsunod sa number coding scheme, na layuning maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa mga kalsada sa Metro Manila, pinagbabawalan ang mga sasakyan na dumaan sa mga pangunahing lansangan simula 7:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi, depende sa huling numero ng kanilang plaka.

Ayon kay Bong Nebrija, MMDA operations supervisor, nananatiling manageable ang trapiko sa metropolis kahapon, holiday rush dahil bisperas ng Pasko.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Batay sa monitoring ng MMDA, karaniwan nang nararanasan ang matinding pagsisikip ng trapiko sa mga lugar ng pamilihan, gaya ng Commonwealth at Balintawak, at sa mga kalsadang kinaroroonan ng malalaking shopping mall, port area sa Maynila, at malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Parañaque City.

Sa buong panahon ng holiday period, sinabi ni Nebrija na buong puwersang itatalaga sa Metro Manila ang lahat ng 2,200 traffic enforcers ng MMDA.

“We are implementing a no holiday, no day off, and no absent policy,” ani Nebrija. - Anna Liza Villas-Alavaren