OAKLAND, California (AP) — Malupit ang diskarte ng Denver Nuggets sa road game. At, kabilang ang reigning champion Golden State Warriors sa nasagasaan ng galing ng Nuggets.
Hataw si Gary Harris sa natipang 19 puntos para sandigan ang balanseng atake ng Denver para tuldukan ang 11-game winning streak ng Warriors sa pamamagitan ng 96-81 panalo nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Nag-ambag si Nikola Jokic ng 18 puntos at siyam na rebounds, habang tumipa si Jamal Murray ng 14 puntos, anim na rebounds at limang assist para sa ikalawang sunod na road game win ng Nuggets. Nitong Biyernes, ginapi nila ang Portland Trail Blazers.
Ang 81 puntos ang pinakamababang iskor ng Warriors ngayong season at pinangunahan ni Kevin Durant ang malamyang shooting ng Golden States sa naiskor na 18 puntos mula sa 6 for 17 at mintos sa limang 3-point attempt. Sa kabuuang tumipa ang Warriors ng 38.6 percent shooting sa field.
Kumubra si Draymond Green ng 10 puntos, anim na assists at limang rebounds sa ikalawang laro mula nang ma-injured sa kanang balikat, habang umiskor si Klay Thompson ng 15 puntos at kumana si rookie Jordan Bell ng pitong puntos at 10 rebounds.
THUNDER 103, JAZZ 89
Sa Salt Lake City, hataw si Russell Westbrook sa naiskor na 27 puntos, 10 rebounds at 10 assists sa panalo ng Oklahoma City Thunder kontra sa Utah Jazz.
Nailista ni Westbrook ang ika-11 triple-double ngayong season para sa ikaapat na sunod na panalo ng Thunder. Humugot si Paul George ng 26 puntos, limang rebounds, anim na steals at dalawang blocks, habang si Anthony ay may 16 puntos.
SPURS 108, KINGS 99
Sa Sacramento, ginapi ng San Antonio Spurs, sa pangunguna ni LaMarcus Aldridge na may 29 puntos at 10 rebounds, ang Sacramento Kings.
Nagsalansan si Pau Gasol ng 14 puntos, 11 rebounds at season-high 10 assists para sa career triple-double ngayong season. Nanatiling nasa bench si star forward Kawhi Leonard, habang balik laro na si Tony Parker na tumipa ng 10 puntos at nim na assists, at kumasa si Manu Ginobili na may 15 puntos para hilahin ang dominasyon sa Kings sa 11 laro.
Nanguna si Buddy Hield sa Sacramento na may 24 puntos, habang kumubra si Willie Cauley-Stein ng 22 puntos at 11 rebounds, at Bogdan Bogdanovic na may 15 puntos.
WOLVES 115, SUNS 106
Sa Phoenix, ratsada si Jimmy Butler sa natipang 32 puntos para sandigan ang Minnesota Timberwolves kontra sa Suns.
“Jimmy Butler was not going to let us lose that game,” pahayag ni Timberwolves coach Tom Thibodeau. “You can’t say enough about what he has done for this team. He has changed everything for us.”
Nadomina ng Wolves ang tempo ng laro mula simula at hindi nagawang makalamang ng Suns sa duwelo na binuhat ni Butler.
“I don’t like to lose,” sambit ni Butler. “I feel like I am in a rhythm right now. I feel like whenever we guard as a team we share the ball but whenever I need to shoot it I have to. I got to be prepared to play and make plays for everybody including myself.”
Hataw din sina Andrew Wiggins na may 17 puntos at Karl-Anthony Towns na may 16 puntos at 14 rebounds.
Nanguna si T.J. Warren sa Suns may may 24 puntos.
BLAZERS 95, LAKERS 92
Sa Los Angeles, nakumpleto ni Maurice Harkless ang go-ahead three-point play sa huling 21.4 segundo para tuldukan ang three-game losing skid ng Portland Trail Blazers kontra sa Lakers.
Tumipa si Harkless ng 22 puntos, habang kumubra sina Shabazz Napier ng 21 puntos at si CJ McCollum na may 17 puntos. Hindi nakalato sa Portland si star guard Damian Lillard.
Hataw sina Kyle Kuzma at Jordan Clarkson ng tig-18 puntos para sa Lakers.
Sa iba pang laro, nagwagi ang Memphis Grizzlies sa Los Angeles Clippers, 115-112; dinagit ng Atlanta Hawks ang Dallas Mavericks, 112-107; tinalo ng Indiana Pacers ang Brooklyn Nets, 123-119, sa overtime; nagapi ng Boston Celtics ang Chicago Bulls, 117-92.