Ni Bella Gamotea

Posibleng sa kulungan magdiwang ng Pasko ang isang snatcher makaraang masakote ng mga bystander kasunod ng panghahablot nito ng cell phone sa Makati City, nitong Huwebes ng gabi.

Bugbog-sarado ang suspek na si Ramon Jose Sanchez y Batapa, alyas Ram Ram, 32, ng No. 1156 Rodriguez Street, Barangay Bangkal ng nasabing lungsod.

Kinilala naman ang biktimang si Ana Marie Iglesias, 24, ng No. 143 Zone 1, Fort Bonifacio, Taguig City.

Eleksyon

'Babalik na sa politika!' De Lima, lead nominee ng Mamamayang Liberal party-list

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa loob ng isang pampasaherong jeep sa Yulo St., Bgy. Bangkal, dakong 10:45 ng gabi.

Nabatid na kapwa sakay ang biktima at ang suspek sa jeep, na may rutang Mantrade, at biglang bumaba si Sanchez sabay hablot sa hawak na cell phone ni Iglesias bago tumakas patawid sa Osmenia Highway patungong Heneral Tino Street.

Nagsisigaw ang dalaga na nakatawag-pansin sa mga bystander sa lugar kaya hinabol ng mga ito ang suspek at ginulpi.

Nahinto lamang ang pambubugbog nang dumating ang mga nagpapatrulyang pulis ng Police Community Precinct (PCP) 4 na sina PO2 Iraula at PO1 Quimbo.

Dinala ang suspek sa tanggapan ng PCP 4 para sa kaukulang dokumentasyon at isasailalim naman sa imbestigasyon ng Station Investigation Division (SID) ng Makati City Police.

Nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong robbery snatching.