Patay ang isang pulis at isang drug suspect habang isa pang pulis ang sugatan nang “masunog” at mauwi sa engkuwentro ang kanilang surveillance operation sa Barangay Caniogan, Pasig City kamakalawa.

Dalawang tama ng bala ang ikinasawi ni PO3 Wilfredo Gueta, ng Pasig City Police, habang sugatan si PO1 Raymond Dela Cruz nang makipaghabulan sa suspek.

Kumpirmado ring patay ang suspek na si Roberto Llanugo, residente ng naturang lugar, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Sa ulat ng Pasig City Police, nagtungo ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Follow Up Section sa 3 Katarungan Street, Bgy. Caniogan upang magsagawa ng surveillance at beripikahin ang target watchlist sa nasabing lugar, na kinabibilangan ni Llanugo, bandang 12:00 ng tanghali.

House Sergeant-at-Arms kay VP Sara: 'Pinagbigyan pero sumobra!'

Gayunman, nakahalata ang suspek at tinakbuhan ang mga pulis, kaya hinabol siya nina Gueta at Dela Cruz hanggang sa makarating sa kanyang bahay.

Sa pagpasok ng suspek sa kanyang bahay, kumuha ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis na humabol sa kanya.

Nabaril sa dibdib si Gueta habang nakipagbarilan naman si Dela Cruz kay Liaguno na naging sanhi ng pagbulagta ng huli. Nadaplisan naman si Dela Cruz sa kaliwang hita.

Isinugod pa sa Rizal Medical Center sina Gueta at Dela Cruz, ngunit hindi na kinaya ni Gueta habang dead on arrival naman si Llaguno.

Nakumpiska ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia sa crime scene. - Mary Ann Santiago