BORACAY ISLAND, Aklan - Halos lumubog sa baha ang buong isla ng Boracay sa Malay, Aklan dahil sa matinding ulan na dulot ng pananalasa ng bagyong 'Urduja'.
Ayon kay Boracay Councilor Nette Graf, halos 90 porsiyento ng ilang beses nang kinilala bilang isa sa “world’s best beaches” ang kasalukuyang apektado ng baha.
Napaulat na mahigit 800 katao rin ang kasalukuyang stranded sa Caticlan Jetty Port.
Bagamat may banta ng bagyo, problema pa rin ng awtoridad ang mga pasaway na turista na pilit na naliligo sa baybayin ng isla.
Isa ring bangka ang lumubog sa kasagsagan ng pananalasa ng Urduja, habang wala namang naiulat na nasaktan sa isla dahil sa bagyo.
Wala ring kuryente sa buong Boracay habang isinusulat ang balitang ito. - Jun N. Aguirre