Ni DIANARA T. ALEGRE

NAKAMIT ng Pinoy dance group na DMX Comvaleñoz mula sa Compostela Valley ang ikalawang puwesto sa pangalawang season ng Asia’s Got Talent.

DMX Comvaleñoz copy

Tinanghal naman ang silent illusionist na si The Sacred Riana bilang kampeon ng season, kaya hindi nakuha ng Pilipinas ang back-to-back titleholders sa pan-Asian contest.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Ayon sa report, lumaki ang tsansa ng DMX Comvaleñoz na mapanalunan ang titulo, kasunod ng shadow play group na El Gamma Penumbra, na nag-uwi sa titulo noong 2015, dahil pinahanga nila ang mga hurado sa kanilang huling pagtatangal ng awe-inspiring, high-flying stunts na hinaluan ng katatawanan dahil sa pagbibihis-babae.

Hanggang sa finale ay sila ang matatag na paborito lalo na nang tagurian ni Jay Park na karapat-dapat silang manalo, dahil sa kanilang mga pagtatanghal na nagpakita ng masaya at positibong disposisyon sa buhay.

“Ganito talaga dapat ang buhay, dapat laging masaya at lagi kang nagsi-celebrate araw-araw,” paliwanag ng grupo.

Baungusan ng DMX Comvaleñoz ang pito pang ibang finalists, kabilang ang dalawa mula sa Pilipinas – ang beatboxer na si Neil Rey Garcia Llanes at ang dance group din na Urban Crew.

Si Llanes, na sumali sa unang season ngunit kinailangang magbitiw dahil sa kanyang pag-aaral, ang pumangatlo, samantalang hindi naman nakaabot ang Urban Crew sa finale, dahil nabigo silang makalusot sa huling pagtatanghal.

Pinatunayan naman ni The Sacred Riana, na gumagawa ng nakakatakot na mga tricks at ilusyo, na siya ang paborito ng masa, nang siya ang itanghal na kampeon.

Ang kanyang tunay na pangalan ay Marie Antoinette Riana Graharani, at nagtanghal na rin siya sa telebsiyon sa Indonesia bago siya sumali sa Asia’s Got Talent 2.

Ginanap ang results night nitong nakaraang Huwebes sa Singapore, at nagtanghal ang mga huradong sina David Foster, Anggun, at Jay Park. 

Sina Alan Wong at Justin Bratton ang hosts ng show na ipinalabas sa AXN at sa SKY.