NI JEROME LAGUNZAD

HINDI maikakaila ni Blackwater forward Mac Belo na hindi impresibo ang kanyang kampanya sa pro league bilang rookie player.

Bunsod na rin ito ng pagkaka-sideline niya nang mahabang panahon bunsod ng injury sa kanang tuhod dahilan para mawala siya sa ikot ng player sa nakalipas na Commissioner’s Cup at Governors Cup.

Ngunit, walang pagmamarkulyo sa dating Far Eastern University standout. Sa pagbubukas ng season, ipinangako niya na babawi siya at dudurugin ang mga karibal.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Nagpo-focus ako ngayon sa conditioning ko. Kailangan ma-sustain ko pagiging healthy throughout the year. Gusto ko kasi na mas makatulong ako sa team this season,” sambit ng 24-anyos na si Belo.

Sa kanyang 21 laro, naitala niya ang averaged 11.4 puntos, 5.6 rebounds, 1.3 assists at 1.0 steal. Kung mananatiling malusog, inaasahang mangingibabaw si Belo bunsod na rin ng paglisan ng mga dating pambato na si forward KG Canaleta na lumipat sa Meralco Bolts.

Ngunit, mas nangingibabaw sa isipan ni Belo ay kung papaano matutulungan ang koponan.

“Siyempre matulungan manalo ‘yung team. Maganda ‘yung pinakita namin last season pero gusto namin na lampasan ‘yun,” pahayag ng pambato ng Midsayap, Cotabato.

“Mas may idea na ngayon sila coach kung paano ako gagawin na comfortable du’n sa lalaruin ko na posisyon. Kung ano mang role at ano man ang maitutulong ko sa team, gagawin ko naman ‘yung best ko.”

Inaasahan ni Belo na magiging kompetitibo ang koponan sa pagbabalik aksiyon ni center Poy Erram mula sa natamong injury sa kanang tuhod anterior cruciate ligament (ACL).

“Malaki talaga ang maitutulong ni Poy sa amin kasi magkakaroon na ulit kami ng legit center. At least, may pantapat na kami sa mga tulad nila June Mar (Fajardo of San Miguel Beer),” aniya.

Sisimulan ng Elite ang kampanya sa PBA Philippine Cup laban sa Bolts sa Biyernes sa Astrodome.