Ni Beth Camia

Lalo pang naging positibo ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magwawagi ang gobyerno sa laban kontra droga sa pagpasok sa eksena ng Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ipinaabot ni PDEA Director General Aaron Aquino ang pasasalamat sa pamunuan ng Department of Justice (DoJ), na nagbigay ng go signal sa NBI na muling sumabak sa anti-drug operations.

Sinabi ni Aquino na nakatitiyak siya na sa pagkakataong ito, handang-handa na sila para sa all-out war laban sa ilegal na droga at walang dahilan upang hindi masunod ang marching order ni Pangulong Duterte na tuldukan ang matinding problemang ito.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ayon kay Aquino, bagamat nanatiling lead agency ang PDEA sa kampanya kontra droga ay maaari pa ring tutukan ng NBI ang high-value targets habang pagtutuunan naman ng Philippine National Police (PNP) ang illegal drug trafficking at street-level distribution.

Noong Disyembre 5, nagpalabas ng memorandum order ang Malacañang na muling isabak ang pulisya sa drug war.

Noong Oktubre, inilipat ng Pangulo sa PDEA ang kampanya laban sa droga mula sa PNP matapos umani ng batikos ang kapulisan dahil sa sunud-sunod na patayan na konektado sa anti-illegal drugs operation.