Raptors, nanalo rin sa Sacramento.

MINNEAPOLIS (AP) — Nangibabaw ang lakas ni Karl-Anthony Towns sa nakubrang 28 puntos at 12 rebounds para sandigan ang Minnesota Timberwolves sa 97-92 panalo kontra Dallas Mavericks nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Sa nahugot na double-double, nanatili si Towns sa liderato sa liga ngayong season para sa kanyang ika-21 double-double performance.

Nag-ambag si Jamal Crawford ng 16 puntos mula sa bench para sa Timberwolves.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nanguna si Harrison Barnes sa Mavs sa natipang 19 puntos at humugot si Maxi Kleber ng career-high 16 puntos sa Dallas, nabigo sa ikatlong sunod na laro.

Nakadikit ang Dallas sa 93-92 mula sa dalawang free throw ni J.J. Barea may 24.9 segundo sa laro. Ngunit, nakabuwelta sina Crawford at Taj Gibson sa sariling free throw para selyuhan ang ikatlong panalo sa apat na laro ng Minnesota.

PACERS 126, NUGGETS 116 (OT)

Sa Indianapolis, naitala ni Victor Oladipo ang career-high 47 puntos, pitong rebounds at anim na assists sa panalo ng Indiana Pacers kontra Denver Nuggets sa overtime.

Nagbaba ang Pacers ng 8-0 scoring run, tampok ang putback shot ni Thad Young may limang segundo ang nalalabi sa regulation para mahila ang laro sa overtime.

Naiskor ng Indiana ang unang siyam na puntos sa extra period para selyuhan ang ikaapat na sunod na panalo.

Humugot si Myles Turner ng 24 puntos at walong rebounds, habang kumasa si Lance Stephenson ng 12 puntos, anim na rebounds at anim na assists para sa Pacers.

Naisalpak ni Oladipo ang anim na three-pointers, tampok ang binitiwan may 2:10 ang nalalabi sa third period na nagibigay sa Indiana ng bentahe sa unang pagkakataon.

Hataw si Trey Lyles sa Nuggets na may career-high 25 puntos.

KNICKS 111, HAWKS 107

Sa New York, ginapi ng Knicks, sa pangunguna nina Kristaps Porzingis na may 30 puntos at Doug McDermott na may 23 puntos mula sa bench, ang Atlanta Hawks.

Matapos ang nakadidismayang kabiguan sa NBA-worst Chicago Bulls sa road game nitong Linggo, nanindigan ang Knicks sa krusyal na sandali para higitan ang bangis ng Hawks.

Nakalayo ang Knicks mula sa dikitang laban nang maisalpak ni Jarrett Jack at Porzingis ang tatlong sunod na baskets para sa 101-92 bentahe may 3:46 sa laro.

Nagpalitan ng pagbuslo ang magkabilang panig, subalit nagpakatatag ang Knicks para maisalba ang matikas na ratsada sa Hawks sa krusyal na sandali.

Hataw si Dennis Schroder sa Hawks sa nakubrang 21 puntos, habang kumana si Ilyasova ng 20 puntos sa Hawks, bumagsak sa 3-11karta.

RAPTORS 102, KINGS 87

Sa Sacramento, California, tagumpay ang hatid ng Toronto Raptors sa ika-500 career game ni coach Dwane Casey matapos sakupin at paluhurin ang Kings.

Ratsada si DeMar DeRozan sa naiskor na 25 puntos, kabilang ang 13 sa sa third period para mahila ng Raptors ang ‘longest winning streak’ ngayong season.

Nag-ambag si Kyle Lowry ng 15 puntos at 12 rebound at anim na assists, habang kumawala si Serge Ibaka sa natipong 20 puntos at nag-ambag si C.J. Miles na may 18 puntos, ayon sa Raptors. Ito ang unang panalo ng Raptors sa Sacramento mula noong 2014.

“That’s something we’ve got to fight for is consistency and make sure it doesn’t become a habit,” pahayag ni Casey.