Ni Bert de Guzman

MATINDI ang babala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa New People’s Army (NPA). Pinasusuko sila o kung hindi ay sapitin ang tiyak na kamatayan. Sinabi ni Col. Edgard Arevalo, hepe ng AFP public affairs office, na baka hindi na rin magdeklara ng Christmas truce o tigil-putukan ngayong Pasko ang Duterte administration. Habang isinusulat ko ito, wala pang deklarasyon ng Christmas truce.

Batay sa record ng AFP, may 264 na NPA rebels ang napatay sa pakikipagbakbakan sa mga tropa ng gobyerno mula Pebrero hanggang Nobyembre. May 573 NPA naman ang sumuko matapos ipatigil ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pakikipag-usap sa CPP-NPA-NDF na wala raw sinseridad.

Sa Proclamation 360, tinutuldukan na ni PRRD ang peace talks sa kilusang komunista at idedeklara ito bilang isang teroristang grupo. Iniutos pa niya sa AFP at sa Philippine National Police na barilin ang sino mang NPA na armado na kanilang makikita.

Determinado ang militar sa babala nitong sumuko na lang ang mga NPA o “suffer the same fate as their cohorts killed in the latest military operations”. Ayon kay Arevalo, bukas pa rin daw ang “pintuan” sa mga komunista para sumuko at isalong ang mga armas bagamat patuloy ang pinaigting na military offensive.

Isang cause-oriented group ang nagtatanong kung ang testimonya ni Supreme Court Associate Justice Teresita Leonardo de Castro ay bunsod ng ill will o dahil sa sama ng loob. Naniniwala ang Pinoy Aksiyon for Governance and Environment o PAGE na si De Castro ay “nagsa-sourgraping” matapos ma-bypass at si Ma. Lourdes Sereno ang napiling Chief Justice ni ex-PNoy. Kung may dapat “sumama” ang loob sa pambihirang paghirang ni ex-PNoy kay Sereno na noon ay 52-anyos lang, ito ay walang iba kundi si SC senior Associate Justice Antonio Carpio na “hinog na hinog” para maging Punong Mahistrado.

Binanggit ni PAGE convener Bencyrus Ellorin ang “obvious bias” ni De Castro nang ilahad niya umano ang “litany of disagreements” laban kay Sereno sa testimonya sa harap ng House committee on justice. “It was an obvious case of sourgraping,” badya ni Ellorin. Tinanong ako ng kaibigang senior-jogger kung ano ang SOURGRAPING. Tugon kong nagbibiro: “Ibig sabihin ng sourgraping ay ‘maasim na ubas’ o masama ang loob dahil dinaig siya ni Sereno”.

Binanatan ni presidential spokesman Harry Roque ang grupong KARAPATAN at sinabing isang propaganda lang ang paghahain ng reklamo sa United Nations ng extrajudicial killings kaugnay ng anti-insurgency campaign ng Duterte admin. Ayon kay Roque, useless o balewala ang paghahain ng EJK sa UN nang hindi muna naghahain ng mga kaso sa lokal na hukuman sa Pilipinas.

Maanghang at sarkastiko ang tugon ng KARAPATAN kay Roque. Dapat daw munang humarap sa salamin ni Roque bago akusahan ang grupo na nais lang nito ang propaganda dahil hindi sila katulad ng Malacañang na maraming misinformation/disinformation na pinalalabas.

Samantala, sinabi ni Vice Pres. Leni Robredo na dapat papanagutin ang mga tao na responsable sa pagkakamali sa dengue immunization program. Nanawagan din siya sa Malacañang na tingnan ang epekto ng maling paggamit ng dengue vaccine sa kalusugan ng 703,000 school children na baka magkaroon ng grabeng dengue infection.