Nina VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at BEN R. ROSARIO

Kumpisyansa si Senador Panfilo Lacson na kaya niyang depensahan ang pagbawas ng mahigit P50 bilyon mula sa 2018 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang panukala ni Lacsona na ilipat ang P50.7 bilyon mula sa budget ng DPWH sa ibang ahensiya dahil sa hindi naresolbang mga isyu ng right-of-way (ROW) at “insertions” ng ilang politiko ay tinutulan ng ilang mambabatas sa bicameral conference committee nitong Huwebes para sa panukalang 2018 General Appropriations Act (GAA).

“I am very confident that I can justify the cut that I proposed and which was approved in plenary,” sabi ni Lacson sa mga mamamahayag kahapon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kabilang sa mga kumontra sa pagtapyas ng budget si House Appropriations Committee chair at Davao City 1st District Karlo Nograles na inakusahan ang Mataas na Kapulungan na hindi sinusuportahan ang programang “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte.

Nagprotesta rin si Sen. Cynthia Villar, na ang anak na si Mark Villar ang namumuno sa DPWH.

Sinabi ni Villar na maaapektuhan nito ang “worthy” infrastructure at road projects at magiging “unfair” din sa mga proyekto sa mga lungsod at probinsiya na walang problema sa right-of-way (ROW).

“If there is no problem with right-of-way, then it is unfair that they would cut the budget,” aniya sa panayam ng ANC kahapon.

Hiniling niya kay Lacson na linawin sa DPWH ang nasabing isyu bago kumilos para bawasan ang alokasyon.

Sinabi ni Lacson na nakatakda siyang makipagpulong sa mga opisyal ng DPWH sa susunod na linggo upang mabigyan sila ng pagkakataon na magpaliwanag kung bakit dapat panatilihin ang kanilang budget.

LUMANG BUDGET

Lumalakas ang posibilidad ng re-enacted 2018 national budget matapos kontrahin ng House of Representatives ang plano ng Senado na bawasan ang budget ng DPWH.

Sinabi ni Speaker Pantaleon Alvarez na paninindigan din ng Mababang Kapulungan ang kanilang bersiyon sa panukalang 2018 General Appropriations Act na naglalaan ng P900 milyon para sa anti-drug Oplan Double Barrel ng Philippine National Police.

Kinontra ng Kamara ang panukala ng Senado na ilipat ang nasabing budget sa housing projects para sa mga pulis at militar.

“Kami sa House of Representatives, napag-usapan namin na mag-hard stance kami dito, dahil kung ano yung napag-usapan namin, at i-naprubahan doon sa House of Representatives, yun ay ang gusto naming mangyari,” ani Alvarez sa panayam sa radyo.

Sinabi ni Alvarez na posibleng gagamitin ng pamahalaang Duterte ang lumang 2017 budget sa susunod na taon kapag hindi nagkasundo ang Senado at Kamara sa mga probisyon bago ang Christmas break sa Disyembre 13.