Ni: Jeffrey G. Damicog

Inatasan ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP).

Mismong si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang nagpahayag ng direktiba sa pamamagitan ng Department Order No. 749, na may petsang Nobyembre 23.

Ipinaliwanag ni Aguirre na ang kanyang utos ay base sa reklamo ni dating Manila Councilor Greco Belgica sa umano’y pagkakasangkot ni Aquino sa DAP.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sa ilalim ng DO, sinabi ni Aguirre sa NBI na ito ay “directed and granted authority to investigate the complaint filed by Coalitiion for Investigation and Prosecution rep. by Greco Belgica, et.al. against former President Benigno S. Aquino III, et.al. for malversation under Art. 217 of the Revised Penal Code, as amended”.

Bukod sa DO 749, nag-isyu rin ang kalihim ng dalawa pang DO, 751 at 752, na nag-aatas din sa NBI na muli nitong buksan ang imbestigasyon sa mga anomalya sa DAP at sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Sa tatlong DO, iniutos din ni Aguirre sa NBI “to form a special task force that will investigate the said anomalies.”

Sinabihan din ng Secretary ang NBI na kinakailangang magsumite ng report, hinggil sa imbestigasyon, ang task force kay Justice Undersecretary Antonio Kho, Jr.

Nilinis na ng Office of the Ombudsman ang pangalan ni Aquino sa kasong kriminal kaugnay ng DAP ngunit may probable cause upang kasuhan si dating Budget Secretary Florencio Abad.