Ni CHARISSA M. LUCI-ATIENZA

Nagbabala ang chairman ng House Committee on Justice kahapon sa kampo ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno laban sa patuloy na pagigiit sa kanyang right to counsel at iaakyat ang usapin sa SC, dahil pagbabanggain ng hakbang na ito ang Judiciary at Legislative na mauuwi sa constitutional crisis.

Sinabi ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na kapag nabigo si Sereno na humarap sa kanyang panel, mapipilitan silang tukuyin ung mayroong probable cause para i-impeach ito nang hindi dinidinig ang kanyang panig.

“That (Her absence) would be a waiver of her right to confront the witnesses or the accusers,” ani Umaliw sa panayam sa radyo, iginiit na hindi maaaring kakatawanin ng kanyang mga abogado si Sereno sa impeachment hearings.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nagbabala siya ng posibleng constitutional crisis kapag iginiit ng kampo ng Chief Justice ang kanyang constitutionally guaranteed rights na kakatawanin ng legal counsel at kilalanin ang kanyang karapatan na tanungin ang mga saksi laban sa kanya sa pamamagitan ng mga abogado niya.

“This is again courting constitutional crisis. Because according to the Constitution, the sole judge of impeachment cases is the Senate and we, the House have the sole power to initiate the impeachment proceeding,” ani Umali, binanggit na posibleng papanigan ng SC ang kahilingan ni Sereno.

“Sa aking pananaw ay hindi Supreme Court ang proper venue for that because the Supreme Court has no jurisdiction on impeachment cases,” aniya.

Sinabi ni Umali na sa kanilang pagdinig sa Miyerkules (Nob. 22), pagbobotohan nila kung kikilalanin o hindi ang right to counsel ni Sereno at karapatang komprontahin ang mga nag-aakusa sa kanya sa pamamagitan ng kanyang mga abogado.

“The right to counsel happens in the actual trial. Wala pa tayo sa trial. Hindi established ang mga rights dito to counsel and unfortunately, under our rules, we do not allow lawyers to speak,” aniya.

Pinaalalahanan din niya ang kampo ni Sereno na ang impeachment proceedings ay “political in nature” at mas makabubuti kung pagbibigyan ni Sereno ang imbitasyon ng kanyang panel na dumalo sa pagdinig para pasinungalingan ang lahat ng ebidensiyang ipipresinta laban dito.

“Kung ang sinasabi n’ya (Sereno) ay hindi totoo ang mga akusasyon sa kanya, mas maiging harapin n’ya ‘yan kasi mailalahad n’ya kung ano ang kanyang depensa ‘pag siya ay dumalo doon,” ani Umali.