NASA Da Nang sa Vietnam si Pangulong Duterte para dumalo sa Asia-Pacific Economic Conference (APEC) Summit nang ihayag niya noong Nobyembre 10 na hindi na siya magdedeklara ng gobyernong rebolusyonaryo, isang ideyang pinalutang niya noong nakaraang buwan sakaling magbunsod ng kaguluhan ang aniya’y pinaplanong destabilisasyon laban sa kanya.
Sinabi niyang kabilang ang mga rebeldeng Komunista at maging ang Central Intelligence Agency (CIA) ng Amerika sa mga nagpaplano ng destabilisasyon laban sa kanya. Kaagad namang itinanggi ni US Ambassador Sung Kim na sangkot ang CIA sa balak na patalsikin sa puwesto ang Pangulo.
Sa press conference sa Vietnam, sinabi ng Pangulo na hindi na niya ikinokonsidera ang pagdedeklara ng rebolusyonaryong pamahalaan bilang alternatibo, dahil alam niyang hindi ito susuportahan ng militar.
Dalawang araw bago ito, Nobyembre 8, binigyan ng Armed Forces of the Philippines, sa pangunguna ng bagong talagang chief-of-staff na si Lt. Gen. Rey Leonardo Guerrero, si Vice President Leni Robredo ng security briefing sa tanggapan ng Philippine Air Force sa Pasay City. Sa nasabing okasyon tiniyak ng mga opisyal ng militar na hindi nila susuportahan ang anumang hakbangin sa pagtatatag ng isang gobyernong rebolusyonaryo.
Sinabi ng Pangulo na tinanong niya ang mga heneral tungkol sa usapin. “Tinanong ko ang military. Sabi nila, hindi kami susuporta ng revolutionary government,” aniya. “O, sige. ‘Di hindi tayo mag-revolutionary government.”
Ang huling beses na nagtangka ang isang pangulo ng Pilipinas na sugpuin ang rebolusyon ay noong 1972 nang magdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos ng batas militar at ipinasara ang Kongreso at ang iba pang tanggapan ng pamahalaan.
Patuloy niyang pinamunuan ang bansa hanggang sa mapatalsik siya sa puwesto dahil sa People Power Revolution noong 1986. Sa bagong Konstitusyon noong 1987 — na umiiral ngayon — labis na nilimitahan ang batas militar, na kinakailangang may permiso ng Kongreso bago maideklara. Ito ang dahilan kaya nabanggit ni Pangulong Duterte ang tungkol sa rebolusyonaryong pamahalaan, nang talakayin niya ang tungkol sa pagsugpo sa mga bagong banta sa katatagan ng bansa.
Kaisa tayo ng Pangulo sa pagkokonsidera ng lahat ng posibleng paraan upang matiyak ang katatagan ng bansa, subalit ang ideya ng pamahalaang rebolusyonaryo ay hindi susuportahan. Kaagad itong tinanggihan ng mismong militar, bagamat ito ang pangunahing magpapatupad dito sakaling maisakatuparan.
Walang papalit sa mga institusyon ng ating pamahalaan — ang Ehekutibo, Lehislatibo, at Hudikatura — na bawat isa ay may kani-kanyang awtoridad at responsibilidad, binabalanse ang bawat isa, sumusuporta sa isa’t isa sa pagtupad sa kani-kanilang tungkulin at gawain, upang maiwasan ang anumang pag-abuso.
Sa ilalim ng sistemang ito, magtatagal ang pagpapatupad sa mga kinakailangang reporma. Subalit ang isang mahusay na pinunong gaya ni Pangulong Duterte ay dapat na malayang maipatupad ang kanyang mga hangarin at magbunsod ng mga pinakakinakailangang pagbabago katuwang ang buong pamahalaan, at higit sa lahat, ang mamamayan ng bansa.