Ni JUN FABON

Naaresto ng mga awtoridad sa Iligan City kahapon ng umaga ang isang babaeng Indonesian na sinasabing maybahay ng isa sa mga napaslang na lider ng Maute-ISIS na si Omar Maute.

Nasa kustodiya na ngayon ng Iligan City Police si Minhati Madrais, alyas “Baby”, matapos siyang maaresto sa tinutuluyang quarters sa Steelmakers Subdivision sa Sitio Baraas, Barangay Tubod sa Iligan, sa bisa ng search and seizure order.

Bukod kay Madrais, dinala rin ng pulisya at militar ang anim na anak nito kay Omar: dalawang lalaki at apat na babae.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nasamsam ng pulisya sa paghahalughog sa bahay ni Madrais ang apat na blasting caps, dalawang detonating cords, isang time fuse, at mga component sa paggawa ng improvised explosive device (IED).

Nakuha naman mula kay Madrais ang expired na Indonesian passport niya.

Sinabi ni Iligan City Police Office chief Senior Supt. Leony Roy Ga na inamin ni Madrais na misis siya ni Omar—ang isa sa mga lider ng Maute-ISIS na sumalakay sa Marawi City at nakipagbakbakan sa tropa ng gobyerno sa nakalipas na limang buwan.

Ayon kay Senior Supt. Ga, inaalam na nila ang posibleng partisipasyon ni Madrais sa mga gawing terorista ng Maute.

Magsasagawa rin ang pulisya ng forensic examination sa cell phone ng dayuhan upang malaman kung may contact pa ito sa iba pang terorista.

Sinabi pa ni Senior Supt. Ga na kakasuhan si Madrais ngayong Lunes ng illegal possession of explosives.

Ililipat naman ng pulisya sa kustodiya ng City Social Welfare and Development Office ang anim na anak ni Madrais.

Kasama ni Omar na napatay sa Marawi nitong Oktubre 16 ang isa pang lider ng Maute na si Isnilon Hapilon.

May ulat ni Camcer Ordoñez Imam