Ni: Ric Valmonte

SA misang ginanap sa San Isidro Labrador Parish Church sa Bagong Silangan Village para sa mga yumao, dumalo ang mga ama, ina, asawa at anak ng mga naging biktima ng war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa kanyang homily, sinabi ni Catholic Priest Gilbert Billena na ang mga biktima ay hindi makahahanap ng kapayapaan kapag hindi ipinaglaban ng kani-kanilang pamilya ang katarungan sa kanilang pagkamatay.

“Maaaring hindi ngayon o bukas, pero naniniwala tayo na makakamit natin ang katarungan kapag samasama tayong kumikilos,” wika ng pari. “Ang araw na iyan ay darating na maririnig ng Diyos ang ating panalangin, sigaw at pag-asa,” dagdag niya.

Idinaos ang misa noong Martes, bisperas ng Undas. Halos walang tigil ang pag-ulan. Ganoon din sa mismong araw ng Undas. Kaya, maputik sa ilang sementeryo. May ilan na lubog sa tubig-baha kung saan naroon ang mga puntod. Pero, hindi pa rin napigil ang mga tao na bisitahin ang kanilang mga mahal sa buhay sa sementeryo. Kultura at tradisyon na nakasandig sa pagmamahal sa pamilya ang dahilan. Kahit paano, nais nilang gunitain at ipakita ang kanilang pagmamahal sa yumao nilang kamag-anak. Nagtirik sila ng kandila, nag-alay ng bulaklak at panalangin kahit inulan at gininaw.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nang ilunsad ni Pangulong Duterte ang war on drugs at walang patumangga ang mga pagpatay sa mga umano’y sangkot sa ilegal na droga, panandaliang natulala at nanlumo ang sambayanan. Iyong mga kamag-anak ng mga biktima ay walang nagawa kundi ang himiyaw at manangis upang ilabas ang kanilang galit at sama ng loob. Ngunit hindi nagtagal, ang pagpatay sa pagpapairal ng war on drugs ng Pangulo ay nagmistula na ring sungit ng panahon na lumukob sa bisperas at araw ng Undas. Hindi na ito inalintana ng mamamayan lalo na ng mga namatayan. Dumagsa sila sa kalye at Simbahan para humingi ng katarungan at ipanawagan sa awtoridad na itigil na ang pagpatay.

Pagkatapos ng misa sa San Isidro Parish Church, nagtipon ang pamilya ng mga biktima sa Batasan Police Station at nag-alay ng mga bulaklak para sa kanilang napatay na mahal sa buhay. Simbolo, anila, itong istasyon ng pulisya na pinangyarihan ng krimen dahil naniniwala sila na ang kanilang kamag-anak ay pinatay ng pulis.

“Nanalig kami na maiintindihan kami ng mga pulis kung bakit kami naririto dahil iyong mga pinatay nila ay may mga pangarap din gaya nila,” wika ni Nardy Sabino ng Rise up. Malamang na mauunawaan sila dahil wala namang mga pulis na hindi namatayan ng kamag-anak na ginugunita ngayong Undas ang kanilang kamatayan at pinapanariwa ang kanilang pagmamahal sa mga ito. Higit sa lahat, gaya rin naman nilang dukha ang napapatay.