Ni: Jeffrey G. Damicog at Beth Camia
Sinimulan kahapon ng Department of Justice (DoJ) ang preliminary investigation sa kasong kriminal na isinampa laban sa balo ng napatay na terrorist leader sa paghikayat sa mga dayuhan at Pinoy na sumali sa grupong terorista na Maute at Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa bakbakan sa Marawi City.
Dumalo si Karen Aizha Hamidon sa unang hearing ng preliminary investigation kaugnay ng alegasyong rebelyon o 296 counts of inciting to rebellion sa mga post niya sa kanyang social media accounts sa Telegram at WhatsApp.
Sa gitna ng pagdinig, hanggang Nobyembre 10 ang ibinigay na palugit ng DoJ panel of prosecutors, na pinamumunuan ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, upang maghain ng kanyang counter-affidavit bilang tugon sa mga alegasyon laban sa kanya.
Samantala, inakusahan ni Hamidon ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), na umaresto sa kanya, sa pagtatanim ng ebidensiya laban sa kanya.
“I strongly deny all of those alleged false accusations hurled against me,” sinabi niya sa mga mamamahayag kasabay ng pagsasabing wala siyang kinalaman sa bakbakan sa Marawi.
“They were the ones who implanted those evidences for me for their promotion,” sambit ni Hamidon.
Ipinaliwanag ni Hamidon na siya ay blogger at isang Daiya, na Islamic propagator, ang gumagamit ng social media sa pagkakalat ng mensahe ng Islam.
“I only use social media as my avenue to spread the message of Islam for religious purposes, for maximum audiences,” sabi niya.
Sa kabila nito, hindi itinanggi ni Hamidon na siya ay dating asawa ni Singaporean Muhammad Shamin Mohammed Sidek, gayundin ang balo ng napatay na si Ansar Khalifa Philippines (AKP) leader Mohammad Jaafar Maguid, alyas Tokboy, na napatay ng pulis sa Saranggani noong Enero.