Nina AARON RECUENCO at FER TABOY

Kinumpirma ng mga forensics expert mula sa Amerika na sa Abu Sayyaf leader at Islamic State “emir” na si Isnilon Hapilon nga ang bangkay na narekober sa Marawi City nitong Lunes.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, natanggap na nila ang impormasyon mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) na nagkukumpirma sa pagkamatay ni Hapilon.

“We have received an official report that the US Federal Bureau of Investigation has confirmed that the DNA sample taken from a body recovered by our operating troops in Marawi matches with Isnilon Hapilon,” sabi ni Lorenzana.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Matatandaang kumuha ng samples ang militar mula sa bangkay nina Hapilon, Omar Maute at ng iba pang napatay na hinihinalang opisyal ng Maute Group bago inilibing ang mga ito, at ipinadala ang mga ito sa FBI.

“This process of verification is also being conducted on the cadavers of the other terrorists that have been recovered so far,” sabi pa ni Lorenzana.

Kapwa napatay sina Hapilon at Maute, lider ng Maute Group, sa pag-atake ng Scout Rangers ng Philippine Army sa Marawi nitong Lunes.

Si Hapilon ay may $5 million na patong sa ulo mula sa FBI, bukod pa ang P10 milyon mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

May P5 milyon naman pabuya na inilaan ang Pangulo laban sa magkapatid na Omar at Abdullah Maute—na napaulat na napatay na sa opensiba ng militar noong Agosto, bagamat hindi pa natatagpuan ang kanyang bangkay.

Kaugnay nito, sinabi kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang matatanggap ang mga sundalo na salapi na bahagi ng reward para sa mga napaslang na terorista.

Ayon kay AFP chief of staff General Eduardo Año, sa mga civilian informant mapupunta ang nasabing pabuya kaugnay ng pagkakapaslang kina Hapilon at Maute.

Una nang sinabi ni Año na sakaling magpositibo ang DNA samples ng dalawang terorista na ipinadala sa FBI ay hindi makikialam ang militar sa pamamahagi ng pabuya sa civilian informants.

Matatandaang kasunod ng pagkamatay nina Hapilon at Maute ay idineklara ni Pangulong Duterte na malaya na sa impluwensiya ng terorismo ang Marawi, bagamat nagpapatuloy pa rin ang bakbakan sa siyudad hanggang ngayon.

Dahil sa walang puknat na bakbakan noong nakaraang linggo, napatay na rin ang Malaysian terrorist na sinasabing financier ng Maute Group na si Dr. Mahmud Ahmad, na sinasabing kapalit ni Hapilon para pamunuan ang mga nalalabing terorista sa Marawi.