Ni: Fer Taboy at Chito Chavez
Inihayag kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ilang lugar sa Eastern Visayas ang hindi madaanan ng mga sasakyan dahil sa landslide kaugnay ng walang tigil na pag-ulang dulot ng bagyong ‘Paolo’.
Ayon sa NDRRMC, partikular na gumuho ang Baranggay Suba sa Sogod, Southern Leyte.
Sa report ng Southern Leyte Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), bumigay ang lupa malapit sa highway dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Samantala, nakataas naman ang orange rainfall warning sa Eastern Visayas dahil sa malakas na ulan sa Samar, Biliran, at Leyte.
Sa ulat kahapon ng umaga ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), natukoy nito ang mata ng bagyo sa 870 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Ayon sa PAGASA, ang Paolo ay may lakas ng hanging aabot sa 130 kilometers per hour (kph), bugso na nasa 160 kph, at kumikilos pahilaga-hilagang-kanluran sa bilis na 15 kph.
Bukod sa bagyong Paolo, isa namang low pressure area (LPA) ang namataan sa 135 kilometro sa kanluran ng Coron, Palawan.
Una nang iniulat na hanggang bukas, Oktubre 22, pa mananatili sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Paolo.