Ni: Beth Camia at Mary Ann Santiago

“Not guilty” ang ipinasok na plea ng sinasabing drug lord sa Eastern at Central Visayas na si Kerwin Espinosa.

Ito ay makaraang basahan siya ng sakdal kahapon sa Manila Regional Trial Court (RTC)-Branch 26, para sa kaso ng illegal drug trade na kanyang kinakaharap.

Ayon kay Espinosa, wala siyang kinalaman sa ibinibintang sa kanya ng mga awtoridad.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Giit ni Espinosa, wala siya sa bansa nang salakayin ang kanilang bahay, kaya hindi maaaring iugnay sa kanya ang ilegal na drogang nasamsam ng mga awtoridad sa nasabing raid.

Nag-akusa pa siyang tinaniman umano ng mga pulis ng ebidensiya ang kanilang bahay.

Gayunman, naninindigan ang Philippine National Police (PNP) na lehitimo ang nasabing operasyon sa bahay ng pamilya Espinosa, na pinag-ugatan ng mga kasong illegal possession of firearms and illegal drugs na isinampa laban sa ama niyang si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.

Matatandaang Nobyembre 5, 2016 nang napatay ang alkalde sa loob ng selda nito sa Baybay City Jail makaraan umanong manlaban.

Maliban sa illegal drug trade, nahaharap din si Kerwin sa hiwalay na kasong illegal possession of firearms and explosives sa Manila RTC-Branch 20.