‘Career-ending’ injury natamo ni Celts star Gordon Hayward.

CLEVELAND (AP) – Pinakahihintay ang pagbabalik ni Kyrie Irving sa Quicken Loan Arena suot ang bagong jersey na Boston Celtics. At marami ang umaasa para sa maaksiyong duwelo ng dalawang bagong magkaribal na koponan sa Eastern Conference.

hayward copy

Ngunit, ang inaasahang duwelo ni Irving laban sa dating koponan at dabarkads na si LeBron James ay napalitan ng hinagpis at panghihinayang matapos ang aksidente na nalagay sa balag ng alanganin sa career ni All-Star forward Gordon Hayward.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Limang minuto pa lamang ang nakalilipas at halos hindi pa pinagpapawisan si Hayward sa opening match kontra sa Cavaliers nitong Martes (Miyerkules sa Manila) nang maganap ang hindi inaasahang trahedya.

Habang patuloy ang hiyawan ng fans sa Quicken Loans Arena, nakakita ng puwang si Irving at kaagad na binigyan ng alley-oop play si Hayward na buong giting ang lipad para makapuntos. Ngunit, nawalan ng kilya sa ere ang star forward nang magipit sa depensa nina James at dating Celtics forward Jae Crowder at bumagsak ang paa na alanganin dahilan para mabalian ng kaliwang paa at ilabas sa playing court sa stretcher.

Larawan nang pagkagimbal, takot ang panghihinayang ang reaksyon ng mga players nang makita ang sinabit ng isa sa pinakamahusay na forward sa NBA sa kasalukuyan.

Sa live coveregae, napasigaw ang TNT announcer na si Kevin Harlan sa sinapit na injury ni Hayward. “Oh my goodness,Hayward broke his leg,” aniya.

Maihahalintulad ang pinsalang natamo ni Hayward sa injury ni Paul George sa scrimmage ng USA basketball noong 2014.

“And that is how quickly a season can change,” pahayag ni Harlan.

Wala pang opisyal na pahayag ang pamunuan ng Boston hingil sa kalagayan ni Hayward. Ngunit, sa inisyal na pagsusuri, nabali umano ang kaliwang paa ni Hayward.

Matapos ang limang season sa Utah Jazz, kinuha ng Boston sa free agency si Hayward ss off-season at pinalagda ng dati niyang coach sa college na si Brad Stevens ng apat na taong kontrata na nagkakahalaga ng US$128 milyon.