Ni MARY ANN SANTIAGO, May ulat nina Beth Camia, Leslie Ann Aquino, at Leonel Abasola

Magbibitiw sa puwesto si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista sa pagtatapos ng 2017.

Ito ay sa gitna ng alegasyon ng sariling asawa na nagkamal siya ng bilyon-pisong halaga ng nakaw na yaman simula nang maglingkod sa gobyerno.

Sa isang liham na ipinost ni Bautista sa kanyang Twitter account, sinabi niya na matapos siyang makapag-isip at manalangin ay napagtanto niyang ito na ang tamang panahon upang bumaba siya sa puwesto, kasunod ng pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo 2018.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Aminado ang poll chief na hindi madali ang naging desisyon niya, ngunit nagpasya siyang gawin ito dahil higit siyang kailangan ngayon ng kanyang pamilya, partikular ng kanyang mga anak.

“It is with deep sadness that I am informing you about my decision to resign as Chair of the Commission [on Elections] by the end of the year,” bahagi ng liham ni Bautista para sa mga kawani ng Comelec. “After much thought and prayer, I believe that this is the right time for me to step down given the postponement of the Barangay and SK elections. It was not an easy decision. But my family, especially children, need me now more than ever.”

MAAYOS NA SERBISYO

Sa nasabi ring liham ay sinabi ni Bautista na naniniwala siyang napagsilbihan niya nang maayos ang komisyon at ang mamamayang Pilipino sa abot ng kanyang makakaya, sa tulong ng mga opisyal at empleyado ng Comelec—na lubos din niyang pinasalamatan.

Sa isang panayam, muling nanindigan si Bautista na sa simula’t sapul ay hindi siya kapit-tuko sa posisyon.

Pinayuhan pa niya ang papalit sa kanya sa puwesto na maging mapagpasensiya at matiyaga sa pagtupad sa tungkulin.

Kaugnay nito, inirerespeto ng Malacañang ang pagbibitiw sa tungkulin ni Bautista.

UMANI NG RESPETO

“We respect the decision of Chairman Andy Bautista. We wish him well,” sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar.

Pinuri naman ng poll watchdog groups na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang naging pasya ni Bautista.

Nasorpresa naman ng pahayag ni Bautista si Comelec Commissioner Rowena Guanzon, na isa sa anim na komisyuner na nanawagan sa chairman noong Agosto na magbitiw na sa tungkulin, o kaya naman maghain ng leave of absence upang matutukan ang paglilinis sa sariling pangalan.

“I had a feeling he would resign but I was surprised that he annouced his intention to resign today,” sabi ni Guanzon, at sinabing makabubuti ang nangyari upang magkaroon ng “peace of mind” si Bautista.

Bukod kay Guanzon, nanawagan din noon ng pagre-resign ni Bautista sina Comelec Commissioners Christian Robert Lim, Luie Tito Guia, Ma. Rowena Amelia Guanzon, Al Parreno, Arthur Lim at Sheriff Abas.

Ilang buwan na ang nakalipas nang ibinunyag ni Patricia Bautista, dating asawa ng poll chief, na nagkamal umano ng P1-bilyon ill-gotten wealth ang opisyal na hindi nito inilagay sa Statement of Assets Liabilities and Net worth (SALN), na mariin namang pinabulaanan ng chairman.

IMBESTIGASYON, TULOY

Dahil dito, sinampahan ng impeachment case si Bautista, na ibinasura ng House justice committee.

Samantala, tiniyak naman ng Senado na ipagpapatuloy nito ang imbestigasyon laban kay Bautista.

Ayon kay Senator Francis Escudero, chairman ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies, iimbestigahan pa rin si Bautista sa mga pera nito sa bangko.

“As soon as the House dismisses the impeachment complaint formally, yes I will move to investigate the accusations against Bautista,” ani Escudero.