GINULANTANG ni Kylen Joy Mordido ang tatlong lalaking karibal para makopo ang pangunguna sa juniors division, tangan ang 6.5 puntos, habang nakontrol ni David Rey Ancheta ang kiddies class matapos ang pitong round sa Shell National Youth Active Chess Championship grand finals nitong Sabado sa MOA Music Hall sa Pasay City.
Ginapi ni Mordido, Woman Candidate Master, sina Irish Yngayo at Cyril Telesforo, bago tumabla kay top seed Rome Pangilinan sa third round.
Winalis niya ang sumunod na apat na laro, kabilang ang panalo sa No. 3 na si James Erese.
Nagwagi rin ang fourth-ranked Dasmariñas National HS mainstay laban kina No. 5 Julius Gonzales, Mary Joy Tan at Francois Magpily para makopo ang liderato sa 13-16 age group sa final staging ng taunang torneo, na itinataguyod ng Pilipinas Shell.
Nakabuntot kay Mordido si Pangilinan na may anim na puntos habang may laban pa rin si Gonzales tangan ang 5.5 puntos tungo sa huling dalawang round ng 9-round Swiss system tournament, na sanctioned ng National Chess Federation of the Philippines.
Wala na sa kontesyon sina Erese, Tan, Telesforo, Magpily, Daniel Quizon at Carl Ancheta na pawang may tig 3.5 puntos matapos ang pitong rounds.
Ngunit, may pag-asa si Ancheta sa 7-12 category, tangan ang 6 puntos mula sa limang panalo at dalawang tabla, kalahating puntos ang abante kay Mark Jay Bacojo, habang nakabuntot si Michael Concio Jr. na may limang puntos.
Pinatalsik ni Ancheta, pambato ng Cagayan de Oro mula sa Corpus Christi School, si Joseph dela Rama sa opening round bago tumabla kay Rhea Canino, nagwagi kina Chester Reyes at Mark Bacojo, tabla kay Concio bago muling nanalo kina Wesley Magbanua at Cedric Abris.
Magkasosyo sina Reyes at Cyrus Francisco na may tig-4.5 puntos sa ikaapat na puwesto sa taunang torneo na nagtatampok sa pinakamahuhusay na player sa buong bansa, at nakatuklas sa husay at galing nina Grandmasters Wesley So, Mark Paragua at Nelson Mariano II.
Nangunguna naman sina Jeth Romy Morado at Ahmad Ali Azote sa seniors class tangan ang parehong anim na puntos.
Samantala, matapos ang Grand Finals, ipinahayag ng Pilipinas Shell ang pagsasagawa ng Chess Masters’ Friendly match tampok ang mga premyadong GMs na produkto ng torneo, tulad nina GM John Paul Gomez, GM Darwin Laylo, NM Rolando Andador, NM Marlon Bernardino, NM Noel Dela Cruz, NM Jerad Docena, IM Roderick Nava, IM Nouri Hamed, FM Randy Segarra, FM Nelson Mariano III, at FM Sander Severina.
Mangunguna sa women’s side sina WIM Mikee Charlene Suede, WIM Bernadeth Galas, WIM Jan Jodilyn Fronda, at WFM Shania Mae Mendoza.