Ni: Bella Gamotea
Sa rehas ang bagsak ng limang lalaki, kabilang ang isang estudyante, matapos makumpiskahan ng dalawang pakete ng hinihinalang marijuana sa Parañaque City, nitong Lunes ng gabi.
Pawang naghihimas ng rehas sa Parañaque City Police Headquarters sina Bernabe Monteveros y Batillang, 22, ng Block 4 Lot 15, Aroma Compound, Barangay Marcelo Green; Raymond Legaspi y Orenzo, 19, ng Block 2 Lot 22, Sampalokan, San Martin de Porres; Alvin Cabadin y Vallesera, 19, ng Block 4 Lot 15, Aroma Compound, Bgy. Marcelo Green; Adiran Abogaa y Bona, 19, ng Aquino Street, Upper Bicutan, Taguig City at Lenmark Masubay y Isidro, 16, ng Block 3 Lot 224, Aroma Compound, Bgy. Marcelo Green, Parañaque City.
Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), nadakip ang mga suspek ng mga nagpapatrulyang tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 6 ng Parañaque City Police sa Phase 1 Tennis Court, Bgy. Marcelo Green ng lungsod, dakong 10:00 ng gabi.
Sa pagsisiyasat ni PO1 Nelmar Delos Santos, napansin ang kahina-hinalang kilos ng mga suspek sa madilim na bahagi ng tennis court sa lugar.
Kinapkapan ang mga suspek at nakumpiska ang dalawang selyadong plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong mga dahon ng umano’y marijuana, isang plastic sachet na naglalaman ng maliliit na buto at isang coin purse na naging sanhi ng kanilang pagkakaaresto.
Posibleng maharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.