Ni GENALYN D. KABILING

Walang plano si Pangulong Rodrigo Duterte na makipagtulungan sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman sa kanyang mga bank account.

Idineklara mismo ng Pangulo na siya “[would] not submit to the jurisdiction” ng Ombudsman kasunod ng pagbatikos sa deputy nito sa umano’y paggamit ng mga pekeng ebidensiya sa sinasabing mga bank transaction niya.

Sa kanyang lantarang pagmumura sa harap ng mga miyembro ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Davao City nitong Sabado ng gabi, iginiit ng Presidente na ang mga alegasyon laban sa kanya ay “lies based on baseless hundreds of millions.”

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“I will not submit to the jurisdiction of (the Ombudsman),” sabi ni Duterte. “Waving fabricated evidence in front, lying through his teeth in front of the nation, tapos you want me to submit to the jurisdiction of the Ombudsman?”

Una nang sinabi ng Malacañang na ang Pangulo ay “nothing to hide” sa harap ng imbestigasyon ng Ombudsman sa yaman ng kanyang pamilya bunsod ng reklamong kurapsiyon na inihain ni Senator Antonio Trillanes IV. Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na inirerespeto ni Pangulong Duterte ang proseso ng Office of the Ombudsman bilang independent body at tiwalang magiging patas ito sa isinasagawang pagsisiyasat.

Gayunman, uminit ang ulo ng Pangulo makaraang mabatid na inilabas ni Deputy Ombudsman Arthur Carandang ang sinasabing bank information niya nang walang pahintulot mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC). Nagbanta siyang paiimbestigahan si Carandang dahil dito.

Ito ay matapos na itanggi ng AMLC na ito ang naglabas ng bank records ng Pangulo sa Ombudsman.

“Hindi ako mag-submit ng jurisdiction because it’s a lousy thing,” sinabi ni Duterte tungkol sa Ombudsman.

Una nang nagbanta ang Pangulo na magtatatag ng isang komisyon na mag-iimbestiga sa Ombudsman sa hindi umano pagiging patas at sa pagkakasangkot, aniya, sa kurapsiyon. Nagbanta rin siyang ipaaaresto ang mga opisyal ng Ombudsman na tatangging maimbestigahan.