Ni: Bert de Guzman
NGAYONG inaprubahan na ng komite ng Kamara ang “medical marijuana”, umaasa ang mga Pilipino na kapag naging ganap na batas ito, ang halamang marijuana ay gagamitin sa tama, legal at moral na pamamaraan. Kailangang maging maingat at masinop ang pagbibigay ng prescription ng mga doktor sa mga pasyente na nangangailangan nito upang guminhawa sa kanilang sakit. Hindi kaya mauso ang laganap na pagtatanim ng marijuana plants?
Naging “high in spirits” ang mga advocate ng medical marijuana matapos pagtibayin ng House committee on health ang pagpapahintulot sa paggamit ng cannabis para sa mga grabeng karamdaman o “chronic or delibitating health conditions”.
Ang panukala ay may pamagat na Philippine Compassionate Medical Cannabis Act.
Ipinasa ito ng komite sa kalusugan matapos ang malawakang konsultasyon sa mga pasyente, advocacy groups, healthcare practitioners at eksperto sa regulasyon at paghihigpit sa controlled substances. Bumulong ang kaibigan kong palabiro at sarkastiko: “Hindi kaya ito maabuso at makakutsaba ang mga doktor ng mga mayayaman at makapangyarihan upang bigyan sila ng prescription sa pagbili ng marijuana? Hindi kaya pumasok na bangag ang mga mambabatas sa sesyon ng Kongreso, mga pulis, kawal, estudyante at mga pinunong-bayan?”
Aba, ewan ko. Itanong mo kay Isabela Rep. Rodolfo Albano III, principal author ng panukala na nagsabing: “I feel high. There is high morale because finally the bill will reach plenary,” saad ng kongresista kasunod ng approval ng kanyang panukala. Dinunggol ako ni senior-jogger: “Bakit, high na ba si Congressman? Don’t tell me na naka-marijuana na siya,” dagdag pa na umingles pa. Sana ang gamot na marijuana ay makatulong sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga Pinoy at hindi ito magamit sa tiwaling layunin
Matapang at may paninindigan, titingnan ng Office of the Ombudsman na ang puno ay si Conchita Carpio-Morales, ang sinasabing kayamanan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) batay sa reklamo ni Sen. Antonio Trillanes IV, matinding kritiko ni Mano Digong. Si PRRD ay balae ni Ombudsman Carpio-Morales dahil ang pamangkin niyang si Atty. Mans Carpio ay ginoo ni Davao City Mayor Sara Duterte, anak ng Pangulo.
Sinabi ni Trillanes na si Pres. Rody ay nagtamo ng bilyun-bilyong piso na nakatago sa mga bangko. Mahigpit itong itinanggi ni PDU30 at sinabing walang gayong halaga ang kanyang pamilya. Sa pagsasalita sa ika-120 anibersaryo ng Department of Justice na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) noong nakaraang Martes, inulit ng Pangulo na ang kanyang yaman ay nagmula sa pagbebenta sa real estate na namana sa kanyang ama, si yumaong ex-Davao Gov. Vicente Duterte. Dahil dito, meron na siyang P3 milyon noong siya’y 4th year sa high school. Malaking halaga ito noon.
Sa totoo lang, nag-inhibit si Morales sa reklamo ni Trillanes laban sa kanyang balae. Ayaw niyang lumahok sa imbestigasyon. Hinayaan niya si Overall deputy Ombudsman Arthur Carandang ang humawak sa kaso. Pinayagan ni Carandang ang request ni Deputy Ombudsman for Mindanao na makuha ang final report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC)
tungkol sa mga transaksiyon sa bangko ng pamilya Duterte nang ang Pangulo ay mayor pa ng siyudad. Sabi ni Morales: “
I have full trust in his (Carandang) impartiality.”
Isang obispong Katoliko ang naniniwala na mabibigo ang pagtatangka na matanggal sa Supreme Court si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Nagbabala si Sorsogon Bishop Arturo Bastes na ang pagtatangka ng ilang grupo na matanggap sa puwesto ang mga pinuno ng human rights advocates ay magreresulta sa hindi maganda at kanais-nais. Saad ni Bishop Bastes:
“Hindi ako naniniwalang ang pagtatangka na ma-impeach ang dakilang babae na ito ay magtatagumpay. Siya ay gumagawa ng excellent service sa ating bansa”.
Isipin at suriin natin na ang impeachment activity ay paramihan lang ng bilang ng mga kongresista. Kapag galit sa iyo ang Pangulo, malamang kaysa hindi, yuyuko ang mga mambabatas sa kagustuhan niya. ‘Di ba madalas akusahan ang HOR (House of Representatives) bilang isang “rubber stamp” ng Palasyo? Itinatanggi ito ng Malacañang. Hindi raw ito nakikialam sa gawain ng Kamara.