Ni: PNA
NAPILI ang islang lalawigan ng Cebu upang pagdausan ng Routes Asia 2019, ang pinakamalaking routes development forum sa Asya, ayon sa Department of Tourism.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Tourism na kinumpirma ni UBM World Routes Brand Director Steven Small ang balita sa World Routes 2017 Forum sa Barcelona, Spain.
Ang Maynila ang naging punong abala sa Routes Asia 2016, na nagsama-sama sa mga pangunahing kumpanya ng eroplano, paliparan at stakeholders ng mga ito upang talakayin ang mga serbisyong panghimpapawid sa Asya.
Dinaluhan ito ng 1,200 pandaigdigan at lokal na delegado na binubuo ng mga kumpanya ng eroplano, mga paliparan, mga opisyal ng turismo, at mga aviation data provider.
“We are very optimistic to witness the robust growth of Philippine aviation and tourism especially in Central Visayas with the huge opportunity that comes from hosting Routes Asia 2019 in Cebu,” sinabi ni Tourism Secretary Wanda Teo.
Sinabi pa ni Teo na nakikinita ng Department of Tourism ang mahahalagang pakinabang na gaya ng inani ng bansa sa pagdaraos sa bansa ng nasabing forum noong nakaraang taon.
Sa kanyang panig, kumpiyansa naman si Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA) General Manager Steve Dicdican na ang pagdaraos sa Cebu ng Routes Asia 2019 ay tiyak na “exceed expectations.”
“We are extremely excited to host Routes Asia 2019 and we hope to exceed the expectations and give a record-breaking experience that will highlight the province’s charm and hospitality,” sabi ni Dicdican.
Samantala, sinabi ni Secretary Teo na may kabuuang 482,196 na karagdagang international air seat ang itatala sa bansa simula noong Enero hanggang Disyembre 2017 dahil sa mga agresibong negosasyon ng Department of Tourism noong nakaraang taon.
Ayon kay Teo, ang international air seats na ito ay magmumula sa Philippine Airlines, Air Asia, at sa mga dayuhang kumpanya ng eroplano na China Eastern, Sichuan, Xiamen, at Shenzhen.
Sa hindi kumpletong ulat na inilabas ng Department of Tourism-Region 7, natukoy na tinanggap ng Cebu ang halos 1.5 milyong bisita simula Enero hanggang Abril 2017, tumaas ng 4.16 na porsiyento mula sa 1.43 milyong bisita sa kaparehong apat na buwan noong 2016.