Ni: Nitz Miralles
HINDI nao-offend si Jerald Napoles sa mga comment na sinusundan niya ang yapak ni Empoy Marquez dahil nagbibida na rin siya sa serye at pelikula na magaganda ang leading lady.
Siya ang leading man ni Valeen Montenegro sa indie film na The Write Moment na entry sa QCinema. Makakapareha rin niya si Lovi Poe sa isang movie sa Regal Entertainment pero biggest break para kay Jerald na isa siya sa katambal ni Marian Rivera sa Super Ma’am.
“O, di ba, tatlong magagandang aktres ang sunud-sunod kong nakakasama at kahit nga ako hindi makapaniwala. Pero tuwang-tuwa ako sa big blessings na dumating sa buhay at career ko. Hinangad ko rin namang magbida, pero hindi ganito at hindi sunud-sunod. Saka ‘yung sa Super Ma’am, primetime pa at si Marian pa. Kaya hindi matapus-tapos ang pasasalamat ko sa Diyos,” pahayag ni Jerald.
Hindi siya agad naniwala nang malamang isa siya sa dalawang love interest ni Marian sa Super Ma’am. Hindi nga niya masabing leading man siya ni Marian dahil nahihiya siya. Idinadaan niya sa comedy at dialogue na, “Siguro kailangan nila ng texture kaya ako ang napili sa role ni Esteban” dahil hindi raw pang-HD o High Definition ang mukha niya na hindi lang pimple marks ang meron kundi sugat pa nga.
Pero dahil nagtiwala sa kanya ang production staff, si Direk LA Madridejos, si Marian at ang GMA-7, ginagawa niyang mabuti ang kanyang trabaho.
“Kalabisan ba na sa susunod, pangarapin kong makapareha sina Jennylyn Mercado, Rhian Ramos, Kim Domingo at Angel Locsin?” tanong ni Jerald.