Ni: Bert de Guzman
IBINUNYAG ni Custom broker Mark Taguba na nakapagbigay siya ng “tara” o suhol na P92 milyon sa mga pinuno ng Bureau of Customs (BoC), kabilang si ex-BoC Commissioner Nicanor Faeldon. Ang pagbubunyag ay ginawa ni Taguba sa magkasanib na pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan nina Sen. Panfilo Lacson at Senate Blue Ribbon Committee ni Sen. Richard Gordon.
Itinatanggi ito ni Faeldon na hanggang ngayon ay nakakulong sa Senado.
Si Taguba at iba pa ay isinasangkot sa P6.4 bilyong halaga ng droga galing sa China na pinalusot sa BoC noong Mayo dahil umano sa “padulas” at kutsabahan ng mga opisyal at tauhan ng ahensiya. Sinabi ni Taguba kina Lacson at Gordon na sa loob ng wala pang isang taon (Agosto-Hunyo), nabigyan niya ng P92 milyon sina Faeldon at iba pang corrupt officials.
Hindi nakapagtataka na sapul pa noon, nais ng mga tao na ma-assign sa BoC sapagkat doon ay “makatitisod” sila ng ginto kahit hindi sila maghukay ng kung anu-ano sa kung saan-saang lugar upang matagpuan ang bantog na “Yamashita Treasure.” Hindi ba noon ay may balitang isang ordinaryong kawani ng Customs ang may sports car na Ferrari o Porsche at mala-mansiyong bahay samantalang isang janitor ng BoC ang may ilang bahay, lupa sa subdivision, at malaki ang deposito sa bangko?
Naghain si Faeldon ng reklamo kina Lacson at Sen. Antonio Trillanes IV sa Senate Ethics Committee dahil umano sa paninira sa kanya sa pamamagitan ng paggamit ng privilege speech at pagsasangkot sa mga katiwalian sa BoC nang walang batayan. Hindi muna inaksiyunan ito ng komite na pinamumunuan ni Sen. Tito Sotto.
Para kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, walang karapatang maghain ng reklamo si Faeldon sa Ethics Committee sapagkat siya mismo ay walang respeto sa Senado bunsod ng pagtanggi niyang humarap sa pagdinig upang magpaliwang sa mga umano’y kabulastugan sa BoC. Kung si Sotto, isang mainstay rin sa TV Show na Eat Bulaga, ang masusunod, agad-agad niyang idi-dismiss ang reklamo ni Faeldon laban kina Lacson at Trillanes. Samakatuwid, dapat munang kilalanin at igalang ni Faeldon ang Senado para magkaroon siya ng karapatan na maghain ng reklamo.
Ipinababasura ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang impeachment complaint laban sa kanya ni Atty. Larry Gadon. Ayon sa kampo ni Sereno, pawang basura ang mga reklamo ni Gadon at walang impeachable grounds sapagkat puro mali at mga alegasyon laban sa kanya. Sinabi niya na hindi siya puwdeng maging liable sa “culpable violation of the Constitution” sapagkat ang mga bintang o alegasyon ni Gadon ay pawang “guesswork based on newspaper accounts.”
Noong Setyembre 13, ideneklara ng House committee on justice na sapat sa porma at sustansiya (sufficient in form and substance) ang inihaing reklamo ni Gadon laban kay Sereno. Kabilang sa mga reklamo laban sa Chief Justice ay pagkabigong ideklara ang SALN, pagbili ng maluhong sasakyan gamit ang pondo ng gobyerno, at pagsasagawa ng mga desisyon nang hindi kinukonsulta ang kapwa mga mahistrado.
Nagsampa na ang police ng criminal charges sa Department of Justice (DoJ) laban sa 18 indibiduwal na umano’y sangkot sa pagkamatay... sa hazing ni Horacio Castillo III, isang law freshman sa University of Santo Tomas. Si John Paul Solano, Aegis Juris fraternity member na tinukoy na pangunahing suspect ng mga imbestigador, ay sinampahan ng kasong murder, paglabag sa RA 8049 (Anti-Hazing Law), perjury o pagsisinungaling, pagharang sa hustisya at pagnanakaw. Ang kaso ay isinampa ng Manila Police District Department. May 16 na iba pa, kabilang si Ralp Trangia, na tumakas papuntang US ang sinampahan din ng katulad na kaso.
Kailan kaya matitigil ang ganitong uri ng hazing ng mga fraternity na sa halip na bumuo ng pagkakapatiran at pagmamahalan, ang nagiging resulta ay kamatayan at panangis ng mga magulang? Oh, sa ngalan ng fraternity, ilang kabataan na ang nagbuwis ng buhay?