Ni: Rommel P. Tabbad
Nagbabala kahapon ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga residente sa walong lalawigan kaugnay ng inaasahang malakas na pag-ulan bunsod ng low pressure area (LPA), na magdudulot ng baha at landslide.
Ayon sa PAGASA, kabilang sa mga probinsiyang uulanin ang Oriental at Occidental Mindoro, Pangasinan, Zambales, Bataan, Benguet, La Union, at hilagang bahagi ng Palawan.
Magiging maulan din sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng Luzon at Western Visayas, dulot ng LPA.
Ang naturang LPA ay huling namataan sa 85 kilometro hilagang kanluran ng Dagupan City, Pangasinan.
Sinabi ng PAGASA na posible itong maging ganap na bagyo kapag ito ay nasa West Philippine Sea na, sa loob ng 24 oras.