Ni: Clemen Bautista

NGAYONG ika-23 ng Setyembre, nakatakdang magtanim ng mga puno sa 13 bayan at sa isang lungsod sa Rizal. Ang pagtatanim ng mga puno, ayon kay Ginoong Ric Miranda na siyang Public Information Officer ng pamahalaan panlalawigan, ay bahagi ng pagdiriwang ng ikaapat na anibersaryo ng Ynares Eco System (YES) to Green Program, ang flagship project ni Rizal Governor Nini Ynares.

Ang pagtatanim ng mga puno ay lalahukan ng mga alkalde ng bawat munisipyo sa lalawigan, mga empleyado, mga opisyal ng barangay at mga kabataan. May mga bayan sa Rizal na ang pagtataniman ng mga puno ay isasagawa sa bawat barangay. May sitio rin sa barangay na napiling pagtaniman ng mga puno. Isang halimbawa ay sa Sitio Mauluhan sa Barangay Hulo, Pililla. Pangungunahan ito nina Pililla, Rizal Mayor Dan Masinsin, at Vice Mayor Andro Masikip.

Ang mga taga-Taytay at taga- Cainta, na wala nang lugar na maaaring pagtaniman ng mga puno, ay maglilinis naman ng ilog, sapa at iba pang daluyan ng tubig. Ito ay pangungunahan nina Tayay Mayor Juric Gacula at Cainta Mayor Kit Nieto, mga miyembro ng Sanggunian Bayan, mga empleyado ng munisipyo at mga estudyante. Ang paglilinis ay bahagi naman ng Oplan BUSILAK o BUhayin; Sapa, Ilog, LAwa at Karagatan na proyektong nakapaloob sa YES to Green Program na layong iangat ang kamalayan ang mga Rizalenyo at ng mga mamamayan sa pangangalaga sa mga likas na daluyan ng tubig.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Inilunsad ni Rizal Gov. Nini Ynares ang Oplan BUSILAK noong Setyembre 26, 2016.

Ang YES to Green Program ay binubuo ng anim na component tulad ng cleaning o paglilinis, greening o pagtatanim ng mga puno, recycling o tamang waste management, environmental protection at tourism.

Bukod sa pagtatanim ng mga puno, ngayong Setyembre 23 ay may ilulunsad din na Mobile Passport Services. Gagawin ito sa Rizal Provincial Capitol sa Antipolo at ito ay sa pakikipagtulungan ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Layunin na matulungan ang mga Rizalenyo na makakuha ng passport nang hindi lumuluwas sa Maynila.

Bahagi rin ng pagdiriwang ng ikaapat na anibersaryo ng YES to Green Program ang lighting o ang pagbubukas ng mga ilaw sa higanteng Christmas tree na nasa harap ng gusali ng Rizal Provincial Capitol. Sa Setyembre 26, sa ganap na 1:00 ng hapon, ay sisimulan naman ang pagbubukas ng Tiangge sa Rizal Provincial Capitol compound at ang paglulunsad ng Christmas tree making contest at passage Christmas decoration competition, gamit ang mga recycled materials, sa mga bayan sa Rizal. Kasunod nito ang programa sa Ynares Center sa pagdiriwang ng ikaapat na anibersaryo ng YES to Green Program na kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Rizal Gov. Nini Ynares.