Team Philippines, umangat sa ikalimang puwesto sa 9th ASEAN Para Games.

KUALA LUMPUR — Naisara ng Team Philippines ang kampanya sa 9th ASEAN Para Games nitong Sabado kipkip ang 20 gintong medalya para sa ikalimang puwesto sa 11-member country biennial meet sa Bukit Jalil National Stadium.

Tulad ng inaasahan, nasungkit ni Josephine Medina, 2016 Rio Paralympics bronze medalist, ang ginto sa table tennis kontra Suwarti ng Indonesia, 12-10, 10-12, 11-9, 11-9.

Nagdiwang ang delegasyon, sa pangunguna ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Arnold Agustin at Chief de Mission Ral Rosario sa matagumpay na kampanya ng bansa sa nasungkit na 20 ginto, 20 silver at 29 bronze, sa likod ng kampeong Indonesia (126-75-50), host Malaysia (90-85-84), Thailand (68-73-94) at Vietnam (40-61-60).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nalagpasan ng delegasyon ang nakamit na 16-17-26 medal at ikapitong puwesto sa 2015 Singapore edition.

Nanguna ang athletics, tampok ang triple gold medal nina teenage sprint phenom Cielo Honasan at wheelchair-bound thrower Cendy Asusano, sa nakopong siyam na ginto, limang silver at anim na bronze.

Hindi man naabot ang target na pitong ginto, pumangalawa ang chess, sa pangunguna ni triple-gold medal winner FIDE Master Sander Severino, na may kabuuang napagwagihan na 4-3-6 medalya. Nakapag-uwi naman ang swimming, pinagbidahan ni Ernie Gawilan ng tatlong ginto, tatlong silver at limang bronze.

“We went home with 20 golds, four more than what we took home in Singapore. And that’s all that matters,” pahayag ni Rosario.