Ni: Bert de Guzman
MANGYAYARI kaya ang sapantaha ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na mapapatalsik si Sen. Antonio Trillanes IV sa Senado dahil sa pagtawag niya sa Senate Blue Ribbon Committee ni Sen. Richard Gordon bilang “Comite de Absuelto”?
Patalsikin kaya ng Senate Ethics Committee, na pinamumunuan ni Sen. Tito Sotto, si Trillanes dahil “NA-ANO” niya si Gordon na umano’y “nag-aabugado” (lawyering) kina Davao City Mayor Paolo “Polong” Duterte at presidential son-in-law Atty. Mans Carpio?
Idineklara ng Ethics committee na may sapat na porma at sustansiya (form and substance) ang inihaing reklamo ni Flash Gordon, este Sen. Dick Gordon, laban kay Trillanes. Samantala, ibinasura naman ng Ethics Committee ang reklamo laban kay Sen. Sotto dahil sa kanyang pahayag na “Na-ano” si ex-Sec. Judy Taguiwalo sa pagkakaroon ng dalawang anak gayong siya ay single parent at walang ginoo. Hindi nagustuhan ng kababaihang Pinay ang wari’y “pambabastos” ni Tito Sen kay Taguiwalo. Humingi naman ng apology ang mainstay ng TV show Eat Bulaga.
Para kay Sen. Dick, dapat mapatalsik si Trillanes sa Senado sapagkat ang kanyang presensiya sa Mataas na Kapulungan ay nagbibigay-batik sa Kagalang-Galang na Kapulungan. Bulalas ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Ano, Kagalang-Galang?” Well, mukha nga silang kagalang-galang dahil nakasuot ng Amerikana at naka-barong Tagalog, pero kagalang-galang din ba ang kanilang mga konsensiya at prinsipyo sa harap ng mga problema, pag-abuso at pagpatay sa pinaghihinalaang mga pusher at user ng PNP?
Ano na ba ang nangyayari sa Mababang Kapulungan (Kamara) o House of Representatives (HOR)? Sila ba ay tunay na kinatawan ng mamamayan o isang “rubber stamp” ng Malacañang, sunud-sunuran? Suriin nating mabuti: Binigyan lang ng mga Kagulang-Gulang, este Kagalang-Galang na kinatawan ng bayan, ng P1,000 budget ang Commission on Human Rights (CHR).
Maliwanag na ito ay pagsabotahe sa CHR na isang constitutional body na mismong ang Konstitusyon ang nagtalaga rito.
Bakit nais ng naka-Amerikana at naka-barong Tagalog na mga kinatawan na kaalyado ni Mano Digong na buwagin ang CHR?
Sagot: Gusto kasi ni PDU30 na gibain na lang ito dahil walang lubay sa pagpuna sa mga gawain ng administrasyon.
Sinisisi ng Pangulo si CHR chairman Chito Gascon sa dinaranas ngayon ng ahensiya.
Sa kabilang dako, nagbanta ang mga senador sa posibilidad ng deadlock sa approval ng P3.7 trilyong national budget kapag iginiit ng Kamara na pagkalooban lang ng P1,000 ang CHR. Kapag nagkaroon ng deadlock at hindi ito naresolba sa pagtatapos ng taon, ang gobyerno ay mag-ooperate sa tinatawag na “re-enacted budget” o ng... kasalukuyang budget.
Inaprubahan na ng Senate finance subcommittee on the CHR, na pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson, ang P678 milyon para sa CHR budget sa 2018. Badya ni Senate Pres. Koko Pimentel: “The CHR deserves more than P1,000, they deserve P600 million.” Sinabi naman ni Minority Leader Franklin Drilon na sa kanyang palagay, hindi papayag ang Senado na buwagin ang CHR sa pamamagitan ng pagbibigay ng P1,000. “If the House will insist on that, then there will be a deadlock for the 2018 General Appropriations Act,” banta ni Drilon.
Ganito ang titulo ng isang news sa English broadsheet noong Huwebes: ‘”Rody: I have early stage of insanity; Trillanes stage 3”. Pabirong inamin ni PRRD na siya ay may kaunting pagkabaliw, pero mas malala ang pagkabaliw ni Trillanes na nasa stage 3 na raw. Well, well, kung ganito ang mga leader natin, saan patungo ang minamahal nating Pilipinas?