Ni: Mary Ann Santiago at Leslie Ann G. Aquino
Opisyal nang sisimulan sa susunod na linggo ang paghahain ng kandidatura para sa mga nais kumandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Oktubre 23, inihayag kahapon ng Commission on Elections (Comelec).
Batay sa Resolution No. 10196 ng Comelec en banc, itinakda ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) simula sa Setyembre 23 hanggang Setyembre 30, ganap na 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Tatanggap din ng COC ang mga lokal na tanggapan ng Comelec tuwing Sabado at Linggo.
Samantala, ilan lamang sina Pangulong Duterte at Vice President Leni Robredo sa mga hindi sakop ng gun ban kaugnay ng eleksiyon.
Inihayag kamakailan ng Comelec ang pagbabawal sa pagdadala o pagbibitbit ng baril o iba pang nakamamatay na armas at ang pagtanggap ng mga security personnel o body guard, na magsisimula na rin sa Setyembre 23 at magtatagal hanggang sa Oktubre 30.
Sa Resolution No. 10197, sinabi ng Comelec na bukod sa pangulo at bise presidente, ang ilan sa mga hindi sakop ng gun ban sa election period ay ang mga senador at kongresista, mga miyembro ng gabinete, mga mahistrado ng Korte Suprema, Court of Appeals, Sandiganbayan, at Court of Tax Appeals; mga hukom, Ombudsman at Deputy Ombudsman; chairman at commissioner ng Civil Service Commission, Commission on Audit, at Commission on Human Rights; security personnel ng Foreign Diplomatic Corps, Missions and Establishments, at mga dayuhang military personnel na nasa Pilipinas.
Sa mga nais mag-apply para sa gun ban exemption, magtungo sa Comelec Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel sa Huwebes, Setyembre 21.