Ni: Franco G. Regala

CAMP OLIVAS, Pampanga – Sinibak sa puwesto ang hepe ng Magalang Police sa Pampanga makaraang kasuhan ng robbery extortion ang dalawa niyang tauhan dahil sa pambibiktima umano sa misis ng isang drug suspect, ayon kay Police Regional Office (PRO)-3 Director Chief Supt. Amador V. Corpus.

Ayon kay Chief Supt. Corpus, ipinag-utos na niya ang pagsibak sa puwesto kay Supt. Al Cabauatan, hepe ng Magalang Police, bilang “a matter of standard procedure” habang iniimbestigahan ng PRO-3 ang insidente.

Una nang inaresto ng mga operatiba ng Public Safety Company ng Pampanga Police Provincial Office si SPO1 Jessie Mancilla Lopez sa isang entrapment operation sa Barangay San Nicolas 1, Magalang.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ang operasyon ay bunsod ng reklamo ni Maricar Canlapan, na nagsumbong sa mga awtoridad kung paanong hiningan umano siya ni Lopez at ni Senior Insp. Philipp Pelle ng P30,000 cash kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso laban sa asawa niyang si Roel Canlapan.

Nabawi ng mga pulis na nagsagawa ng entrapment mula kay Lopez ang marked money na tinanggap niya mula sa mga Canlapan, ang kanyang .45 caliber Norinco service firearm na may 11 bala, at dalawang cell phone na kinapapalooban umano ng mga text message na ipinadala niya sa ginang.

Wala naman si Pelle nang gawin ang operasyon.

Kinasuhan na nitong Huwebes ang mga suspek na pulis ng robbery at extortion sa Pampanga Provincial Prosecutor’s Office sa City of San Fernando.