Ni: Ellson Quismorio at Jun Fabon

Nagpahayag kahapon ng suporta ang mga opposition lawmaker sa Kamara sa posibilidad ng public fund drive na idadagdag sa P1,000 na 2018 budget na inaprubahan ng mga kongresista para sa Commission on Human Rights (CHR).

"I'm studying it (magsagawa ng public fund drive)," ayon kay Liberal Party member Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Jr., de facto leader ng ‘Magnificent Seven’ opposition bloc. "I hope I can have partners who can help plan it.”

Nitong Martes, inaprubahan ng mga kongresista via voice vote ang P1,000 budget — ang pinakamababa — para sa CHR.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Pinamumunuan ni Chito Gascon, ang CHR ay Constitutional body o itinatag base sa 1986 Charter nito. Ilang sektor ang nagsabi na ang pagkakaloob ng P1,000 budget para sa buong taon ay nangangahulugan ng pagbuwag dito; at kung bibigyang kahulugan, hindi maaaring buwagin ang Constitutional bodies.

Aabot sa P623 milyon budget ang hiniling ng CHR para sa 2018. "I will support any fund drive to support the CHR," ayon kay Magdalo Party-List Rep. Gary Alejano. “Sa panahon ngayon na may malawakang paglabag ng karapatang pantao, kailangan natin ng matibay na CHR.”

Isa pang opposition solon, si Akbayan Party-List Rep. Tom Villarin, at isang mula sa Supermajority, si AKO-Bicol Party-List Rep. Rodel Batocabe, ang sumang-ayon din sa fund drive efforts.

Samantala, ipinahayag ng ilang mambabatas na tinatakot lamang nila ang CHR at may posibilidad na ibalik ng Senado ang sapat na pondo para rito.

Ayon kay Iloilo 3rd District Rep. Arthur Defensor, Jr., walang dapat ipangamba ang CHR at ang mamamayan dahil natitiyak niyang maibabalik ang pondo sa oras na dumaan sa bicameral conference committee ang taunang budget.