Ni: Nitz Miralles
PARERENTAHAN ni Kris Bernal ang condo unit niya sa The Columns Legaspi Village Tower 1 sa Antonio Arnaiz Avenue, Legazpi Village, Makati City dahil hindi naman niya matirahan sa dami ng trabaho niya.
Ipinost ni Kris ang tungkol dito: “Taping locations are much nearer to my home in QC so I’m leaving this unit for a while! One bedroom loft type , fully-furnished, with parking and walking distance to Greenbelt.”
For rent ang condo ng P60,000 a month.
May accompanying photos ng condo unit ang post ni Kris at maganda nga ito kaya mabilis itong marerentahan, lalo na ng mga expat.
Napaka-busy kasi ni Kris hindi lang sa taping ng Impostora kundi pati na rin sa kanyang Meat Kris stall sa EATsetera Food Park sa Marikina City. Magbubukas siya ng isa pang stall sa may UST at naghahanap ng iba pang food park.
Nakakabilib ang dalaga dahil siya mismo ang nag-aasikaso sa kanyang Meat Kris business, mula sa paggu-grocery, sa pagpi-prepare ng patties at pati office work. Kaya doble ang pagod niya dahil pag-uwi galing sa taping, sa halip na matulog, magtatrabaho pa rin.
Anyway, malaking konsuwelo ni Kris sa malaking hirap niya sa taping ng Impostora ang mataas na ratings at kung minsan ay nauungusan nila sa rating ang Eat Bulaga. Hindi kaya dumating ang araw na maungusan din nila ang rating ng number one daytime soap na Ika-6 Na Utos?
“Masaya kaming lahat sa rating ng Impostora, pero mahirap pa ring kalabanin ang Ika-6 Na Utos. Okay na kaming next sa kanila when it comes to rating. Saka, sila hanggang Saturday ang airing. Kuntento na ako na napanindigan ko at magampanan ang dalawang karakter nina Nimfa at Rosette,” pahayag ni Kris.
Medyo matagal pa bago malaman ng viewers ng soap kung sino kina Nimfa at Rosette ang mananalo dahil extended hanggang January 2018 ang Impostora. Pero ang ipinangako ng mga writer at ni Direk Albert Langitan, walang mauulit na mga eksena na karaniwang inirereklamo ng viewers sa mga soap na extended ang airing.