Ni GILBERT ESPEÑA

TIYAK nang aangat sa world rankings si dating interim WBA light flyweight champion Randy Pactolerin matapos talunin sa 6th round TKO ang beteranong si Jetly Purisima kamakailan sa Polomolok, South Cotabato.

Kasalukuyang IBF Pan Pacific light flyweight champion si Pactolerin at nakalista siyang No. 3 contender sa kababayang si IBF light flyweight titlist Milan Melindo, No. 6 kay WBC titleholder Ken Shiro ng Japan at No. 14 kay WBO ruler Kosei Tanaka na isa ring Hapones.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Hinamon na ni Pactolerin si Melindo minsan sa all-Filipino world title bout pero mas pinili nitong ipagtanggol ang titulo kay IBO junior flyweight beltholder Hekkie Budler ng South Africa sa Sabado sa Cebu City.

May nakatakdang laban si Pactolerin sa Australia at naghihintay na lamang ng pagkakataon na muling mapasabak sa world title bout taglay ang rekord na 27-2-1 win-loss-draw na may 20 panalo sa knockouts.

Sa iba pang laban, tinalo ni Ben Manaquil sa 10-round majority decision si Jess Rhey Waminal para matamo ang bakanteng interim OPBF bantamweight title.

Pinatulog naman ni Jade Bornea sa 4th round si Samuthra Sitharan ng Thailand para mapanatili ang kanyang IBF Youth super flyweight crown.