Ni: Marivic Awitan
MULA ng matalo sa nakaraang dalawang laro, nagpamalas ng playoff mode si Fil-Am playmaker Chris Ross.
At sa panalo laban sa Rain or Shine at Ginebra San Miguel, nakapagtala ang San Miguel guard ng averaged 23.5 puntos, 4.0 assists, 3.5 rebounds at 3.5 steals.
“The playoff mode has to come early, and I just want to be aggressive for my team, look for my shots, but it’s a total team effort,” pahayag ni Ross, napili bilang PBA Press Corps Player of the Week sa linggo ng Setyembre 4-10.
Tinalo ng 32-anyos na si Ross sina Alaska small forward Calvin Abueva, TNT ace guard Jayson Castro at kasangga niyang sina June Mar Fajardo at Arwind Santos para sa weekly citation.
Isang linggo pagkaraang umiskor lamang ng apat na puntos at limang turnovers sa natamo nilang 79-90 kabiguan sa Alaska sa larong ginanap sa Angeles City, Pampanga, sinikap ni Ross na makabawi sa mga nalalabing laban ng kanilang koponan.
At sinimulan niya ito noong nakaraang Miyerkules kontra Rain or Shine nang bumato siya ng limang triples at umiskor ng kabuuang 27 puntos para pamunuan ang San Miguel sa 103-96 panalo.
Apat na araw kasunod nito, nakipagsanib siya kay Alex Cabagnot, bagong import Terrence Watson, Santos at Fajardo para pigilin ang seven-game winning streak ng Barangay Ginebra, 107-103.
Tumapos siyang may 20 puntos, limang assists, apat na rebounds at apat na steals.
Dahil sa dalawang panalo, umakyat ang San Miguel sa TNT Katropa sa fourth spot na bumuhay sa tsansa nila para sa insentibong twice-to-beat papasok ng playoffs.